Una sa Balita

Pinasususpende ng mga netizen, Taberna nag-sorry sa paninisi sa gang rape victim

By
0 5,640

Tinuldukan kahapon ni Umagang Kay Ganda host Anthony Taberna ang kontrobersya na nilikha ng kanyang komento noong February 19 tungkol sa 19-year-old female na nakipagkita sa chatmate, nakipag-inuman at na­ging biktima ng gang rape noong Biyernes, February 16, sa Caloocan City.

Binatikos si Taberna ng mga tao na hindi nagustuhan ang kanyang pahayag na “Pasensya na doon sa biktima. ‘Yon dapat mabigyan ng katarungan —pero ito, para sa future na pangyayari. Kapag ikaw ay babae, huwag kang papasok sa lungga ng mga tulisan” sa Monday episode ng morning show ng ABS-CBN.

Nanawagan ang mga kritiko ni Taberna na suspendihin siya ng ABS-CBN management at huwag tangkilikin ang kanyang mga restaurant dahil sa sexist remarks niya.

Hinarap ni Taberna ang mga batikos laban sa kanya sa pamamagitan ng paghingi ng paumanhin at pagpapaliwanag sa tunay na posisyon niya tungkol sa isyu sa Wednesday telecast ng Umagang Kay Ganda.

“Bilang isang ama po lalo po’t parehong babae ang aking mga anak eh batid ko na masama ang ating mundo at nandiyan lang po ang mga kriminal at mga utak kriminal. Naghihintay lang po ng kanilang mabibiktima.

“Bago po ang news report noong Lunes, lagi kong binabanggit dito po sa UKG na walang puwang na mabuhay sa lipunan natin ang mga rapist.

“Kailanman po ay hindi ko kakampihan ang mga demonyong ito. Ang paninindigan ko pong ito ay batid ng mga araw-araw na sumusubaybay sa UKG subalit alam ko rin na merong mga hindi nagustuhan ang aking komento at ang aking paalaala, ipinalagay na paninisi sa biktima.

“Hindi po ‘yon ang aking intensyon. Nais ko rin pong sabihin na hindi ko sinisisi ang biktima sa nangyari. Dapat pong panagutin sa batas ang mga kriminal.

“Gaya po ng aking nabanggit sa naturang segment, dapat pong mabigyan ng hustisya ang sinapit po ng biktima,” ang paglilinaw ni Taberna.

“Humihingi po ako ng paumanhin sa mga nasaktan sa aking komento at mas magiging maingat po ako sa susunod na pagkakataon,” ang pangako ni Taberna.

Kung may mga bumatikos kay Taberna, marami rin ang nakakaunawa sa gusto niya na ipunto kaya ipinagtatanggol siya. Tama ang sinabi ni Taberna na dapat na maging maingat ang mga kababaihan, lalo na sa panahon ngayon na marami ang ginagamit ang social media para makapanloko ng kapwa.

Hindi bago ang isyu tungkol sa mga kababaihan na naging biktima ng panggagahasa at gang rape dahil sa pakikipagkita sa kanilang mga chatmate na nakilala lamang nila sa Facebook.

Hindi nagkukulang ang Philippine National Police, ang mga television at radio broadcaster sa pagpapaalaala sa lahat na mag-ingat sa pakikipagtagpo sa mga tao na nakilala lamang nila sa pamamagitan ng social media pero paulit-ulit pa rin itong nangyayari.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy