Una sa Balita

‘Pinas pugad ng Chinese illegal gambling

0 379

HINIKAYAT ni Bise Presidente Leni Robredo ang administrasyon para magsagawa ng hakbang laban sa pagdagsa ng mga manggagawang Chinese sa bansa, lalo na ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Nababahala ang bise presidente dahil sa pagdami ng mga Chinese worker sa bansa, kasabay ng ilang mga report na iligal umano ang pagpasok at pagtatrabaho ng ilan sa Pilipinas.

Kinuwestiyon ni Robredo ang pagbuhos ng mga Chinese gambling operation sa bansa ga­yong bawal ang kahit anong uri ng pagsusugal sa China.

“Bakit natin pinapayagan dito na iligal nga sa kanila? Iyon iyong number one. Pangalawa, parang hindi nga masabi kung ilan eksakto iyong nandito na sa atin, eh,” ani Robredo.

Para sa ikalawan­g pangulo, dapat na umanong balikan ang polisya at suriin kung ano ang dahilan ng pana­nalagi ng mga Chinese national na nasa bansa.

“Tingin ko kailangan talagang balikan iyong polisiya, tingnan iyong mga nandito, ano iyong ginagawa nila, ligal ba iyong pag-stay nila nang matagal,” dagdag pa nito.

Giit pa ni Robredo, iligal sa China ang anumang uri ng pagsusugal, kabilang ang online gambling, tanong nito, “Kung iligal sa kanila, bakit tayo iyong nagha-house?”

Nag-ugat ang komentong ito kasunod ng pangako ng Malacañang na pananagutin ang mga POGO firm na iligal na tumatanggap ng mga manggagawang Chinese.

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan ni Senador Win Gatchalian sa Senado ang diumano’y hindi nakokolektang buwis ng mga rehistrado at hindi rehistradong manggagawa ng POGO industry sa bansa.

Sa Senate Resolution No. 89, sinabi ni Gatcha­lian na nakakaalarma ang pagdagsa ng mga Chinese POGO worker sa bansa kung saan tinatayang 130,000 indibidwal ang diumano’y hindi nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

“There is a need to review our capability and enhance our capa­city to enforce our tax, immigration, and labor laws to balance the protection we need to accord our people vis-a-vis to the contribution of industries and foreign workers to the country’s economic growth,” sabi ng senador.

Batay sa komputasyon ng Department of Finance, mahigit sa P22.5 bilyon ang nalu­lugi sa kaban ng bayan dahil sa ‘uncollected taxes’ mula sa mga manggagawa ng POGO.

Sabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR), P18,750 ang hindi nakokolektang buwis kada buwan sa bawat manggagawa ng POGO.

Noong Hulyo, nakakolekta ang BIR ng P200 milyon mula sa mga manggagawang dayuhan sa POGO sector na karamihan ay Chinese. Hulyo ang unang buwan ng pangongolekta ng gobyerno sa withhol­ding tax mula sa mga dayuhang manggagawa.

Ayon kay Gatchalian, nahihirapan diumano ang BIR sa pag-isyu ng Tax Identification Numbers (TIN) para sa mga foreign worker. Nitong Hulyo, nakapag-isyu ang BIR ng 10,000 TIN sa hindi rehistradong manggagawa ng POGO sa Manila, Parañaque, at Pasay.

Sabi pa nito, ang pagkabigo ng gobyerno sa tutukan ang pagkolekta ng buwis sa POGO industry ay mala­king sampal diumano sa mga Filipino tax payer na regular na nagbaba­yad ng buwis sa pamahalaan.

(Dindo Ma­tining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy