Una sa Balita

‘Pinas nangunguna sa online exploitation ng kabataan

0 422

ISINULONG ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng malawakang education program upang mabigyan ng proteksyon ang kabataan laban sa online sexual exploitation.

Inihayag ito ng senador sa pagtatapos ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation.

Sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, arts, and culture, sa pamamagitan ng Human Trafficking Preventive Education Program ay mabibigyan ang kabataan ng sapat na kaalaman at proteksyon upang masugpo ang online sexual exploitation of children (OSEC) at iba pang anyo ng human trafficking sa mga menor de edad.

Matutulungan aniya ng programang ito ang mga komunidad na magkaroon ng sapat na kakayahan upang matukoy at mapanagot ang mga kriminal na sangkot sa OSEC.

Batay sa 2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor ng United States Department of Labor, Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng mga kaso ng OSEC sa buong mundo.

Sa mga maliliit na internet cafe, mga cybersex den at maging sa mga pribadong tahanan, ang mga batang biktima ng OSEC ay binabayaran ng mga kustomer, Pilipino man o banyaga, upang magpa­kita ng kalaswaan.

Sa pag-aaral naman ng International Justice Mission Philippines, may mga biktimang nasasagip na 12 taong gulang pa lamang.

Noong 2018, pumalo sa 600,000 ng mga malalaswang larawan ng kabataan ang naiulat sa DOJ, mas mataas ng 1,000% sa mahigit 45,000 naitala noong 2017.
“Nakakabahala ito kaya nais nating magkaroon ng programang magbibigay sa kanila ng proteksiyon at kaalaman para na rin sa lahat kung paano masugpo ang ganitong klaseng mga krimen,” ani Gatchalian.

Inihain noong nakaraang taon ni Gatchalian ang Senate Bill 735 o ang Human Trafficking Preventive Education Program Act na layong i-angat ang kaalaman ng kabataan tungkol sa kanilang mga karapatan, mga programang nagbibigay proteksyon, at ang mga panganib na dulot ng iba’t ibang uri ng trafficking tulad ng prostitusyon at sexual exploitation. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More