Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Pinas may sapat na pera

0 409

Huwag magpanic sa naririnig na ubos na ang pera ng Pilipinas gawa ng matumal na ekonomiya at epekto ng pandemya.

Maaaring kinakailangan nating umutang upang idagdag sa panukalang P4.5 trilyong budget ng pamahalaan para sa susunod na taon. Subalit kung susuriing maigi ang mga budget na ibinigay sa bawat ahensya, may madidiskubre tayong “nakatagong ginto” doon na inaalikabok na.

Panay ang sabi ng pamahalaan na ubos na ang pera. Pero heto ang mga natitisod natin sa pagbusisi ng mga budget ng iba’t ibang departamento.

Halimbawa ang Department of Transportation (DOTR). Humihingi ito ng P145 bilyong panggastos para sa taong 2021. Subalit hindi komo hiningi ay ibibigay na agad. Pera ng taongbayan ‘yan, mula sa buwis na kinaltas sa kanila.

Kaya’t hinimay natin ang mga nakaraang budget ng DOTR at ito ang ating natuklasan: ¼ o ikaapat na bahagi lamang ng hinihingi nilang budget kada taon ang nakakaya nilang gastusin.

Tingnan ang nakuhang budget ng DOTR at aktuwal na nagastos sa mga nagdaang taon:

Fiscal Year (FY) 2016 – sa P75 bilyong ibinigay, P26 bilyon ang nagastos

FY 2017 – sa P57 bilyong ibinigay, P13 bilyon ang nagastos

FY 2018 – sa P51 bilyong ibinigay, P9 bilyon ang nagastos

FY 2019 – sa P54 bilyong ibinigay, P10.5 bilyon ang nagastos

FY 2020 – sa P83 bilyong ibinigay, P8 bilyon ang nagastos

SM food to go Banner Ad

May pattern tayong nakita sa DOTR – hihingi ng napakalaking pondo subalit mahina naman ang paggastos. Kaya’t tama ang House of Representatives at Senado na tapyasan ang pondo nito.

Sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman, lumabas sa ating pagtatanong na may mahigit P80 bilyong pondong sobra sa kanila na mula pa sa natirang budget noong 2019 at 2020, at sa Bayanihan 1 at 2.

Malinaw na may malaking pondong nakatengga sa DSWD na maaaring gamitin ng pamahalaan sa prayoridad na gastusin o maaaring ilipat sa ibang ahensya na nagkukulang naman sa pondo.

May mina ng ginto ring nadiskubre sa Department of Trade and Industry (DTI) kung saan nasa ilalim nito ang Philippine International Trading Corporation (PITC) – ang paboritong parking lot ng pondo at “tagabili” ng maraming ahensya ng pamahalaan

Bilyong pondo mula sa iba’t ibang ahensya ang natuklasang nasa pangangalaga ng PITC ngayon habang matiyagang naghihintay ang mga ahensya kung kailan matutupad at madedeliver ng PITC ang mga pinabili nilang gamit.

May ahensyang mula 2016 pa naglagak ng pondo sa PITC at hanggang ngayong patapos na ang 2020 ay hindi pa rin kumpleto ang delivery sa kanila.

Malaking pondo ng pamahalaan ang nakatengga sa PITC. Naningil ito ng komisyon sa mga ahensyang nag-“pasabuy” sa kanila subalit mabagal at nakakaiyak ang paghihintay sa delivery.

Iiyak din kaya tayo kalaunan dahil itong PITC rin ang naatasang bumili ng COVID vaccine natin? Baka bagong virus na ang nilalabanan natin ay hindi pa rin nakakapag-deliver ng bakuna sa mga Pilipino ang PITC.

Mahina ang absorptive capacity ng DOTR at DSWD kaya’t maraming pondo ang hindi nila nagamit. Nalulunod sila sa dami ng pondo at proyekto. Ganyan rin ang sitwasyon sa maraming ahensya.

Gustuhin man nating ilipat ang sobrang pondo sa nangangailangang ahensya tulad ng Department of Health (DOH), subalit may nagsabi na mismong ang DOH ay tinapyasan na rin ng pondo dahil hindi rin nito kayang i-deliver ang mga inilatag na programa sa hininging budget.

Ito na sana ang pagkakataon upang magamit ng DOH ang sobrang pondo para madagdagan ang hospital beds, mapahusay ang mga kagamitan at serbisyo sa ospital.

Ang problema ay kung paano mo mamadaliing lumakad ang taong sadyang mabagal kumilos. Sana ay may bakuna laban sa mahinang absorptive capacity.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.