‘Pinas maluwag sa mga isda galing China

IPINAGTATAKA ng grupong Tugon Kabuhayan ang paghihigpit ng pamahalaan sa mga fish import galing sa Europa samantalang maluwag ito sa mga galing China.
Ayon kay Tugon Kabuhayan Asis Perez, “mahalagang tignan kung saan galing ang pagkain. Kapag sa atin, iniinspeksyon pa ang ating mga planta. We can’t do that sa China. Mas mahigpit pa tayo sa Europe.”
Noong 2020 ay $423.9 milyong halaga ng isda ang ligal na inangkat sa bansa, mas mababa ng 29% sa $636.3 milyon noong 2019, base sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang China ayon sa PSA ang No. 1 na pinanggagalingan ng import ng Pilipinas na hindi lang isda. Nasa $19.5 bilyon ang ligal na inangkat ng Pilipinas mula sa China noong 2020 at 23% ng import ay galing sa nasabing bansa.
Pangalawa ang Japan kung saan $8.2 bilyon ang inangkat o 9.5% ng total import.
Paliwanag ni Perez, kailangan ng fish import ng sanitary/phytosanitary permit na nagsasabing ligtas dapat ang mga ito.
Giit pa ni Perez, hindi rin maiintindihan ng mga tao ang packaging ng ilang mga imported fish product partikular ang mahahalagang bagay tulad ng expiry date at ingredients para malaman kung nakaka-allergy ito sa bumili. (Eileen Mencias)