Una sa Balita

PINAKAMALILIIT NA BARYO, PUNTIRYA NI VP LENI

By ,
0 3

Prayoridad sa mga pangunahing tututukan ni Vice President Leni Rob­redo ang problema ng kagutuman, kalusugan, kaunlaran ng kanayunan, edukasyon at people empowerment partikular sa mga malalayo at mahihirap na barangay sa bansa.

Importante rin aniya na magkaroon ng sapat na pagkain para sa lahat ng Pilipino.

“Sa mga larangang ito walang dapat saya­nging oras ang pangarap natin ay maibsan ang paghihirap sa lalong madaling panahon. Niyayaya ko kayong muli na samahan n’yo ako sa pagla­lakbay na ito,” pagha­yag ni Robredo sa kanyang malaman at emosyonal inaugural speech kahapon.

Sa unang 100-araw a­niya ay plano nitong puntahan ang pinakamalalayo at pinakamaliliit na barangay ng bansa upang alamin ang mga bagay na nais ng mga kababayan na matugunan.

“Ito ang sinimulan na nating gawin sa ating distrito sa lalawigan ng Camarines Sur, kung saan ako isinilang, nag-aral, nagtayo ng pamilya, namulat sa mga problema ng lipunan at kung saan napudpod ang ating mga tsinelas sa paghahanap ng mga mabisang solusyon sa kahirapan.

Umaasa tayo na sa pagdala natin sa tanggapan ng Pangalawang Pa­ngulo sa inyong mga barangay mas mararamdaman ninyo na totoong nariyan ang pamahalaan para sa inyo at kapag nadama ninyo ‘yan magkakaroon din tayo ng inspirasyon na simulan ang pagbabagong loob. Nakita natin ito sa mga magsasaka at ma­ngingisda na ating natulungan. Sa bawat inabusong asawa na ating binigyang lakas o sa bawat katutubo o manggagawang nakasalamuha,” bahagi pa ng inaugural speech nito.

Maliban dito, tututukan din ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo ang ukol sa kahirapan, kasulusugan, pagbibigay ng kaunlaran sa mga kanayunan at pagpapalakas sa kakayahan ng bawat Pilipino.

Maginhawang buhay para sa mga nasa laylayan sa mas malawak na paraan.

Nanawagan ito sa sambayanang Pilipino na agapayan siya sa panibagong yugto at paglalakbay sa larangan ng paglilingkod sa bayan.

Naging emosyonal ang unang bahagi ng talumpati ng Bise Presidente matapos mabanggit ang yumaong kabiyak na si dating DILG Sec. Jesse Robredo.