Una sa Balita

Pinakamalaki sa kasaysayan Rivera ‘nakahukay’ ng ₱113M sa Bahamas

0 610

HINDI sinayang ni Marc Rivera ang pagkakataong gumawa ng kasaysayan sa larangan ng poker sa Pilipinas matapos pumangatlo sa katatapos na Poker­Stars No Limit Hold’em Players Champion­ship sa mala-paraisong isla ng Bahamas.

Naibulsa ni Rivera ang premyong $2,168,000 o P113,257,404 na siyang pinakamalaking premyo sa poker na napanalunan ng isang Pilipino.

Bago ang torneo ay nasa $304,648 pa lang ang career earnings ni Rivera pero dahil sa panalo ay siya na ngayon ang all-time money leader­ sa mga Pinoy player. Ang unang dalawang Pinoy na umabot ng pitong pigura sa US dollars ang career earnings ay sina Noli Francisco ($1,350,550) at John Tech ($1,108,580).

Natalo si Rivera kay Julien Martini ng France matapos tumulak ang huli sa hawak na AK. Puro basura ang lumabas na community cards kaya hindi nakaporma ang A3 ni Rivera.

Tanggap naman agad ni Rivera ang kanyang pagkatalo.

“Julien (Martini) is the best player left on the table and he has much bigger stack. It came down to who has the better hand and it was him on that instance,” ani Rivera sa isang panayam matapos ang kanyang laro.

Bigo naman si Martini na mapanalunan ang torneo nang sorpresahin ito sa heads up play ng Platinum Pass winner mula sa Spain na si Ramon Colillas.

Naiuwi ni Colillas ang top prize na $5,100,000 habang nakuntento naman sa $2,974,000 si Martini.

Tanging sina Colillas at Rivera ang Platinum Pass winners na nakapasok sa final table. Nakuha ni Rivera ang kanyang Platinum Pass nang manalo siya sa APPT Manila National noong nakaraang taon.

Ang Platinum Pass ay katumbas ng libreng upuan sa Players Championship kasama pa ang $2,000 allowance at libreng akomodasyon.

Hindi naman pinalad ang dalawa pang Pinoy Platinum Pass winners na sina reigning Asia Player of the Year (APOY) Mike Takayama at Lester Edoc. (Noli Cruz)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy