Una sa Balita

Pinakamahusay na LGU sa Bulacan paparangalan

0 381

Kikilalanin ang pagsisikap sa mabu­ting pamamahala ng mga bayan at lungsod at ang pagpapanatili ng malinis at maberdeng kapaligiran ng mga barangay sa Bulacan sa pagbibigay parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG) sa Seal of Good Local Go­vernance (SGLG) at 2019 Gawad Parangal sa Kalinisan at Kaayusan sa Kapaligiran (KKK) sa Barangay sa Martes, Dis­yembre 17, 2019, alas-8:00 nang umaga sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.

Nakatakdang samahan ni DILG-Region 3 Regional Director Dr. Julie J. Daquioag sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Erlene Luz Dela Cruz sa nasabing aktibidad.

Sinabi ni Fernando na ang mga barangay at mga bayan, bilang maliliit na yunit ng pamahalaan, ang humuhubog sa mga lokal na pinuno kaya naman isa ito sa pinakamahalagang yunit ng lipunan.

“Sa barangay at mga bayan nagsisimula ang kaunlaran ng ating lalawigan. Kung sa mga nasasakupan pa lamang natin ay maayos na ang kapaligiran, mabuti ang pamamahala at kahanga-hanga ang paglilingkod ba­yan, makasisiguro ang mga Bulakenyo na sama-sama nating mararating ang magandang kinabukasan,” anang gobernador.

Kasabay ng programa, ipapaha­yag ni Fernando ang bunga ng u­nang 100 araw niya bilang punong lalawigan.

Kinikilala ng SGLG ang galing sa pagganap ng mga lokal na pamahalaan sa transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng publiko, kahandaan sa pagsubok na dala ng kalamidad, kaalaman sa pangangaila­ngan ng mga mahihina at margina­lized na sektor ng lipunan, implementasyon ng programang pangkalusugan, pagsusulong ng pamumuhunan at trabaho, pangangalaga sa nasasakupan mula sa panganib sa buhay at pagkasira ng ari-arian at pag-iingat sa da­ngal ng kalikasan.

Samantala, alinsunod ang KKK sa Barangay sa The People’s Agenda 10 ng Pamahalaang Panlalawigan, kung saan binibigyang pagkilala ang mga barangay na nagpakita ng pagpupunyagi na makamit ang kalinisan at kaayusan ng kani-kanilang nasasakupan. (Jun Borlongan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy