Una sa Balita

Pinagkaisahan ng media? Perez bokya sa botohan

0 349

HALOS abot-kamay na ni Christian Jeymar ‘CJ’ Perez ang pagtatala ng kasaysayan bilang rookie na makapagwagi ng Best Player of the Conference subalit hindi ito nakakuha kahit isang boto mula sa mga nagkokober na mga media sa PBA sa ginanap na Best Player of the Conference award.

Mas mataas ang natipong puntos sa ­statistics ng top rookie pick ng Columbian na si Perez gayundin sa boto ng players at PBA ­representative subalit nahatak ng kawalan nito ng makukuhang boto mula sa mga regular na mga nagkokober na media.

Nagtala si Perez ng kabuuang 420 sa stats, 61 boto mula sa mga player at 25 mula sa PBA.

Nakakuha naman ang nanalo na si ­Christian Standhardinger ng 396 sa stats, 32 boto sa ­players at 150 sa PBA pati na rin ang kabuuang 433 ­puntos mula sa boto ng mga media.

Ipinaalam naman sa isang Tweet ni Snow Badua@snowbadua ang posibleng dahilan sa pagkatalo ni Perez.

“I feel bad for CJ PEREZ not getting any media vote. Pero the problem with him is: aloof siya sa media. Ayaw niya pa interview lagi. Pinapasabihan ko na ‘yan dati. I am not saying it’s the reason behind the snub, pero kahit papano may epekto ‘yan. Ganda ng stats niya,” tweet ni Badua.

Nagtipon si Standhardinger ng kabuuang 1,011 puntos para tanghaling Best Player of the Conference.

Ikalawa si Junemar Fajardo na may 657 ­puntos, ikatlo si Jayson Castro na may 614 ­puntos, ­ika-­apat si Perez na may 506 at si Keifer Ravera na may 481 puntos.

Bukod tanging si Perez lamang ang hindi nakakuha ng boto mula sa media kung saan ang apat na iba pang player ay nakatanggap mismo ng mga boto. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More