Una sa Balita

Pinaghihinalaan

0 309

Dear Kuya Rom, 

Pitong taon na kaming nagsasama ng misis ko. Parehas kaming may trabaho. May ipon kami sa bangko at maluwag na nakakapag-aral ang dalawang anak namin. Sa tingin ko, maayos ang buhay namin.

Hanggang isang araw, biglang lumabas sa bibig niya na ako ay nagtataksil. Pinaghihinalaan niya akong may kabit. Ang sabi ko sa kanya, wala, at iyon ang totoo. Pero para sa kanya, totoo ang kutob niya. Hindi ko pinipilit sa kanya ang nasabi ko na.

Kasi ako ay taong nagsasalita kung kailangang magsalita, pero hindi ako komportableng pag-usapan ang mga usaping ganito.

Bakit niya nasabing nagtataksil ako sa kanya? Siguro dahil sa pagpunta ko paminsan-minsan sa isang bar kung saan tumutugtog ang mga kaibigan at kababata kong miyembro ng isang acoustic band.

Hanapbuhay nila ito, tumutugtog sila ng tatlong beses sa isang linggo. Mahilig ako ng acoustic music at gusto ko lang na marinig sila.

Isinama ko minsan ang misis ko, pero hindi na siya umulit. Hindi siya mahilig sa magdamagang tugtugan.

Hinayaan lang niya ako sa hilig ko. Kaya nang sinabihan niya akong nagtataksil sa kanya, naisip kong ito ang dahilan.

Tinanong ko siya kung bakit niya nasabing nagtataksil ako, wala siyang sagot. Tinanong ko siya kung sino ang babae, wala rin siyang sagot.

Sinabi ko sa kanya na kausapin niya ang mga kaibigan kong musikero at alamin kung totoong nagtataksil ako, pero hindi naman niya ginagawa.

Ang mga kaibigan ko na mga kaibigan din niya ay pumupunta rin sa bar na ito. Sabi ko, kausapin niya sila tungkol sa pagtataksil ko kung mayroon man, pero hindi naman siya kumikilos.

Ang mga musikerong katropa ko ay tumutugtog na ngayon sa Japan. Nakikinig na lang ako ng acoustic music sa cell phone ko.

Nawala na ang pagpunta-punta ko sa bar paminsan-minsan, at nawala na rin ang mga akusa sa akin ng misis ko na nangangaliwa ako. Nawala na ang kanyang pagseselos.

Siya ay tahimik na ngayon sa kanyang maling hinala. Hindi niya napatunayan ang kanyang akusasyon.

Pero pakiramdam ko, akusado pa rin ako. Paano mawawala ito at hindi masira ang relasyon naming dalawa? – Omar

Dear Omar, 

Maaaring tama siya sa kanyang pagseselos noon sapagkat may libangan kang nagpapasaya sa iyo, samantalang wala siyang libangan.

Pero mali siya sa pagpaparatang sa iyo ng isang bagay na walang basehan. Ito ay mahalagang pag-usapan.

Maaaring totoong hindi ka komportableng pag-usapan ang mga problema sa buhay, pero hindi ito maiiwasan sapagkat sadyang kailangan. Balikan mo ang mga sandaling nililigawan mo siya.

Posibleng hindi ka komportableng ipagtapat sa kanya ang iyong nararamdaman noon, pero naglakas-loob kang sabihin kanya sapagkat mahalagang malaman niya ito, hindi ba?

Ang pagseselos ng asawa at ang paghihinalang walang basehan ay mahalagang pag-usapan. 

Sa mga sandaling masaya kayong nagkukuwentuhang mag-asawa, maglakas-loob kang ilabas ito sa inyong pag-uusap na dalawa. Ibilang mong isang napakahalagang bagay ito na hindi basta isasantabi na lamang.

Sa inyong pag-uusap, ito ang pagkakataong lalabas ang katotohanang hindi ka nagtataksil sa kanya at makikitang mali siya sa kanyang pagbibintang. Nagkamali siya at kailangang patawarin mo siya upang maglaho ng ganap sa inyong puso ang isyung ito.

Mag-isip kayo ng mga libangang parehas na hilig ninyo. Magsama kayo sa hilig ninyo kung saan kayo masayang dalawa.  

Omar, unawain mo ito: Ang maling hinala ay iyak ng pusong naghahanap ng kalinga. Mahalagang marinig niya mula sa iyo ang tunay na pag-ibig na inaalay mo sa kanya.

Huwag kang magsasawang sabihin sa kanya na mahal mo siya at hindi ka kailanman magtataksil sa kanya.

Sabihin mo sa kanya na gagawin mo ang lahat para tumibay ang inyong pagmamahalan at iiwasan mo ang mga bagay na maaaring makasasama sa inyong relasyon.

Maaaring hindi ka komportable, pero kailangang kumilos ka at ipaglaban mo ang kabutihan ng inyong pag-iibigan. God bless you!

Payong kapatid, 
Kuya Rom