Una sa Balita

Pinagandang Pantabangan Hotel ambag ng NIA sa ekonomiya ng Central Luzon

0 610

Pinangunahan natin nitong Huwebes ang pagpapasinaya ng bagong Pantabangan Lake Resort Hotel ng National Irrigation Administration (NIA). Ang nasabing pasilidad na nagkakahalaga ng P40 milyon ay matatagpuan sa ibabaw ng bundok sa Barangay Fatima, Nueva Ecija at base sa land area, kasama na ang ibang pasilidad sa lawa, ay maituturing bilang isa sa pinakamalaki sa Asya.

Ang Pantabangan Lake Resort Hotel ang kauna-unahang hotel na pag-aari ng NIA. Ito ay pangangasiwaan naman ng Upper Pampanga River Integra­ted Irrigation Systems (UPRIIS) – na isang government-owned and controlled corporation (GOCC) sa ilalim ng ng Office of the President, kasama na dito ang Office of the Cabinet Secretariat.

Makatutulong ang bagong pasilidad bilang isang ­alternatibong pagkakakitaan ng ­nasabing tanggapan na isang GOCC, sa gitna ng ma­laking kabawasan sa koleksyon nito dahil libre na ang pagpapatubig sa mga nagsasaka na may walo o mas mababang ektaryang bukirin.

Mahalagang naibalik nang muli sa NIA ang pagmamay-ari ng pasilidad at ng sa gayon ay mapakikinabangan ng tanggapan sa mga gampanin at programa para sa mga magsasaka.

Dekada ‘70 pa nang itayo ang pasilidad na intensyong maging ­tuluyan o tirahan ng mga bisita mula World Bank at iba’t ibang mga sangay ng pamahalaan na nagsasagawa ng mga irrigation project sa lugar. Noong 1999 ay nalipat ang pamamahala nito sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija at nagsimula ring pangasiwaan ng isang pribadong kumpanya mula Korea.

Ang bagong hotel ay mayroong function hall na kasya ang nasa 150 bisita.

Mayroon itong 17 standard room, isang manager’s suite at isang administrator’s suite, restaurant at veranda kung saan tanaw ang Pantabangan Dam at Sierra Madre Mountain Ranges.

Binabati at pinupuri natin ang pamunuan ng NIA sa paglulunsad ng mga programa tungo sa ikatatatag ng tanggapan, pagtulong sa mga magsasaka at pangangalaga ng kalikasan at mapagkukunan ng tubig.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy