Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pilipino Muna

0 211

Sa unang taon pa lang po ng ating pagiging empleyado ng Senado noong 2016, pinuna at pinag-ukulan na natin ng pansin ang pagdagsa ng mga ilegal na dayuhang manggagawa sa bansa.

Hindi po magkakaila ang mga pinanghahawakan nating datos na karamihan sa kanila ay mga Chinese. Napag-alaman po natin na maraming mga dayuhang Chinese ang nagtatrabaho sa construction, restaurant, salon at higit sa lahat, sa mga pasugalan tulad ng tinatawag na POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.

Ito po ay sa kabila ng malinaw at depinidong pobisyon sa Artikulo 12, Seksyon 12 ng ating Saligang Batas na nagbibigay garantiya sa kautusang “Pilipino Muna”.

Sa sektor ng paggawa, nangangahulugan po ito na dapat bigyang preperensya ang mga Pilipinong manggagawa na “able, capable, and willing” bago kumuha ng mga dayuhang manggagawa.

Subalit hindi pa man tuluyang nareresolba ang problemang ito, isa na namang bagong isyu ang ating nadiskubre na may kaugnayan pa rin sa patuloy na “influx” o pagdagsa ng mga dayuhan sa bansa.

Sa pagdinig sa Senado, napag-alaman po natin mula sa Philippine Retirement Authority na pinapayagan nito ang mga dayuhang may edad mula 35-taong gulang na manirahan sa Pilipinas bilang mga retirees.

Nabibigyan po sila ng special resident retiree visas or SRRV para manatili sa Pilipinas. Paliwanag ng pinuno ng PRA na si General Manager Bienvenido Chy na itinakda ang edad na 35 dahil ito ang retiring age ng mga military sa Korea.

Kapag nakakuha ng SRRV ang isang dayuhan, katumbas po ito ng pagbibigay sa kanila ng karapatang manatili sa bansa “indefinitely” at maaring maglabas-pasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng multiple entry at exit privileges. Eh kung tutuusin mas madali pa po silang nakakapaglabas-pasok sa bansa kesa sa ating mga Pilipino.

Naisiwalat po sa mga datos mula sa ahensya na mga Chinese na naman ang nangungunang foreign retirees sa bansa na umaabot na sa 27,000 habang sinusundan naman ito ng mga Koreans sa bilang na 14,000 at ng 6,000 na mga Indiyano.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nangangamba po tayo sa paglaki ng bilang ng mga retirees na may edad lamang na 35 dahil hinog na hinog pa ang edad na ito para magtrabaho sa bansa at makipag-agawan ng oportunidad sa ating mga kababayang nagsisimula pa lang kumita o pumili ng kanilang karera sa edad na 35.

Kung tutuusin, sinasapawan din ng mga retirees na ito ang ating mga kababayan sa housing, lalo na sa mga condominium units.

Bagama’t aminado tayo na dagdag kita ito sa real estate industry sa bansa, dahilan din ito sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga condo at housing units dahil tiyak na may sapat na pera o makakabayad ang mga “retired” Chinese kumpara sa ating mga kababayan, lalo na kung totoong pinopondohan sila ng kanilang pamahalaan bilang mga espiya.

Samakatuwid, naaagawan ng oportunidad, trabaho at maging sa pabahay ang ating mga mamamayan at nalalagay pa sa alanganin ang ating seguridad bilang isang bansa dahil sa napakaluwag na polisiyang ito ng PRA.

Tila patuloy pa rin po ang pagbibigay ng VIP treatment sa mga Chinese nationals habang marami tayong mga kababayang mas nangangailangan ng pag-aaruga ng gobyerno.

Sa katunayan, ilang beses nang nagpahayag ang gobyerno na bubuwisan ang mga online sellers habang halos hindi masingil-singil ang buwis mula sa mga POGO.

Pinatigil din ang trabaho at operasyon ng maraming mga industriya habang binigyan ng go-signal ang mga POGO na mag-operate habang klaro namang hindi maituturing na essential services ang POGO.

Unahin po natin ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na ngayong may pandemya na nag-aagawan sa trabaho at oportunidad ang mga Pilipino para mabuhay ng marangal.

Malala na po ang ating problema sa bansa, huwag na nating paabutin pa sa puntong ang mga dayuhan pa ang muling paglilingkuran at yuyukuran ng mga Pilipino dito mismo sa ating bayan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.