Una sa Balita

Pilipino muna

0 385

Ipagdiriwang po ng buong bansa ngayong Miyerkoles, ika-12 ng Hunyo, ang Araw ng Kalayaan.

Isandaan at dalawampu’t isang taon na po ang nakaraan nang unang iwagayway ang ating bandila sa Kawit, Cavite kasabay ng una ring pagtugtog ng ‘Marcha Nacional Filipina’ o Lupang Hinirang.

Ito po ang naging hudyat ng paghiwalay ng Pilipinas sa Espanya na sumakop sa ating bansa sa loob ng 333 taon.

Ang diwang nasyona­lismo rin pong ito ang nagbigay hugis sa patakarang ‘Pilipino muna’ o ang pagbibigay ng prayoridad sa mga manggagawang Pilipino na isa sa pinakamahalagang probisyon ng Artikulo XII ng ating Saligang Batas.

Ito po ang dahilan kung bakit patuloy ta­yong naninindigan laban sa panghihimasok ng mga iligal na dayuhang manggagawa sa ating bansa.

Hindi po tayo makakapayag na patuloy na manakawan ng trabaho at oportunidad ang ating mga kababayang nakikipagsapalaran para lang makatikim ng mas maluwag-luwag na pamumuhay.

Dahil sa pagdagsa ng mga iligal na dayuhan, sumirit din po ang presyo ng renta sa pabahay lalo na sa mga condominium. Dahil halos hindi na kinakaya ng mga Pilipino ang renta, napupunta po ang mga ito sa kamay ng mas may salaping dayuhan.

Hindi po katanggap-tanggap na ipinamimigay ang ating mga trabaho at pabahay habang mahigit 6,000 Pilipino ang nag-a-abroad araw-araw para manilbihan at magpaalipin pa nga sa mga banyaga.

Hindi po dapat magpatuloy ang maling kalakaran sa Bureau of Immigration (BI) kung saan walang habas itong namimigay ng Special Work Permit (SWP) kapalit ng ilang halaga at ni walang kaukulang Alien Employment Permit (AEP) mula sa DOLE.

Ang patuloy pong pagdagsa ng mga iligal na manggagawa sa ating mga restaurant, call center, gaming industry, construction at mining site at maging sa mga barbershop ay maitutu­ring din pong banta sa kasarinlang ipinaglaban ng ating mga ninuno.

Patuloy din po nating pagtutuunang pansin ang pagsasanay sa mga Pilipino para tiyaking magagampanan nila ang mga trabahong napupunta lang ngayon sa kamay ng mga iligal na dayuhang manggagawa.

Maligaya at makabuluhang pagdiriwang po ng Araw ng Kalayaan.

Job Fair Schedule:

2019 Kalayaan Job and Business Fair­—NCCC Mall Buhangin, Tigatto Road—Buhangin, Davao City—June 12

Kalayaan TNK Job and Business Fair—SM Trade Hall, SM General Santos City—June 12

Para po sa kumpletong listahan ng Job Fair nga­yong Araw ng Kalayaan, magtungo lamang po sa www.philjobnet.ph.

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy