Una sa Balita

Pilipinas uupak sa World Baseball Classic Qualifier

0 215

ISA ang Pilipinas sa kabuuang 12 pambansang koponan na nakatakdang mag-agawan sa nakata­yang apat na silya sa gaganaping Qualifying Round ng 2021 World Baseball Classic sa Kino Sports Complex sa Tucson, Arizona sa Marso 12-25.

Hinati sa dalawang pool na may tig-anim na kalahok ang WBC qualifier na ikalimang installment ng baseball tourney na kinatatampukan ng halos lahat ng world’s greatest­ player kung saan kabilang ang Pilipinas sa Pool 2.

Ang mangungunang dalawang koponan sa kada pool na may anim na koponan ang uusad para sumabak sa 2021 World Baseball Classic tournament.

Unang maglalaro ang Pool 1 sa Marso 12-17 kung saan magkakasama ang Brazil, France, Germany, Nicaragua, Pakistan at ang Republic of South Africa.

Sunod na sasabak ang mga koponan na nasa Pool 2 na maghaharap-harap sa Marso 20-25 na binubuo ng Czech Republic, Great Britain, New Zealand, Panama, Philippines at Spain.

Ang apat na koponan na magwawagi sa dalawang pool ang makakasama ng garantisadong 16 na silya na sasabak sa 2021 World Baseball Classic.

Nakatakda namang ihayag ng Philippine Amateur Softball Association (PABA) ang bubuo sa pambansang koponan na pinamumunuan ng beteranong player at coach na si Oscar Marcelino. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More