Una sa Balita

Pilipinas tungo sa pederalismo

By
0 505

Nitong Lunes ay isinumite na kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at isina-publiko na ng komite na inatasan na pag-aralan ang ating Saligang Batas ang panukalang Konstitusyon na hahalili sa kasalukuyang bersyon sakali mang matuloy ang paglipat natin sa pederalismo na sistema ng pamahalaan.

Sinabi ng ConCom na kaya nila ito isina-publiko ay dahil gusto nilang kilatisin ng mamamayang Filipino ang ‘bawat artikulo, bawat seksyon, bawat pa­ngungusap at bawat salita’ ng panukalang Saligang Batas. Ito anila ang kabuluhan ng tunay na demokrasya. Hinihikayat nila ang bawat mamamayan na makilahok sa debate sapagkat hangad nilang marinig ang tunay na boses ng mga Filipino.

Nabuo ang Consul­tative Committee (ConCom) to Review the 1987 Constitution sa pama­magitan ng pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 10 noong ika-7 ng Disyembre 2016. Mga eksperto at batikan ang mga miyembrong napi­ling bumuo sa komiteng ito, kasama na ang da­ting Punong Mahistrado ng Korte Suprema Reynato Puno at da­ting Pa­ngulo ng Senado Nene Pimentel.

Matapos ang masusing pag-aaral at konsultasyon ay nabuo nila ang bagong Konstitusyon na kanilang iprinisenta kay Pangulong Duterte.

Ngunit ano nga ba ang pederalismo at ano ang magiging epekto nito sa atin sakaling matuloy ang pagbabago ng sistema ng gobyerno?

Ang pederalismo ay isang sistema ng pagkakaroon ng co-equal o pantay na kapangya­rihan ng pamahalaang pambansa at pamahalaang lokal.

Isa rito ay ang pederal na estado (federal state), at ang isa naman ay tinatawag nating lokal na estado o pederal na rehiyon (federated region). Ang da­lawang antas ng gob­yerno na ito ay mayroong tinatawag na se­parate jurisdiction at mayroon din silang concurrent jurisdiction. Ang mangyayari ay ang burukrasya ay mahahati sa pederal na estado at sa lokal na estado.

Marami ring klase ng pederalismo. Mayroong pederalismo sa Amerika, sa Alemanya at sa Belgium. Ang pagkakaroon ng pederal na sistema ng gobyerno ng mga bayang ito ay nag-ugat sa kanilang kasaysayan.

Sa kaso ng Pilipinas, ang mga kasalukuyang rehiyon natin ay tatawagin na pederal na rehiyon at madadagdagan pa ng isa, ang United Negros Region.

Ngunit sa ngayon, kakaunti pa lamang sa mga Filipino ang nakakaalam ng pedera­lismo. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), isa lamang sa apat na Pinoy ang aware o may kamalayan sa pedera­lismo at 75% sa 1,200 na tinanong ng SWS ay nalaman naman ang pederalismo dahil sa survey na isinagawa.

Para sa mga nanga­ngamba na gamitin ang paglipat natin sa pede­ral na sistema ng gob­yerno upang mapahaba ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, nawa’y mapanatag ang inyong mga loob sa sinabi ni Pangulong Duterte na pinag-iisipan na ni­­­­­y­­­a­­ng­ bumaba sa puwesto habang tayo ay nagbabago ng sistema ng gob­yerno.

Hiniling na niya sa ConCom na pag-aralan ang isang probisyon na magtatakda ng transitional leader na dapat inihalal ng taumbayan.

Nais ito ng Pangulo sapag­kat gusto niyang­ iwaksi ang anumang duda na may iba siyang­ hangad sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno.

Sa ngayon, may sapat na panahon pa ang ­­­Pa­­­­­­n­­­­g­ulo na pag-aralan ang isinumiteng dokumento ng ConCom bago ang kaniyang SONA o State of the Nation Address.

I­naasahan na rito magbibigay ng rekomendasyon ang Pre­sidente sa mga nais niyang mabago sa panukalang Saligang Batas pang pederalismo.

Manalig at asahan natin na ang mga ipapanukala ng ating Pa­ngulo, kung meron man, ay para sa kapakanan ng bawat Filipino. Hangad ng Pangulo na mapabuti ang buhay ng bawat mamamayan, saan mang rehiyon siya kabilang.