Una sa Balita

Pilipinas nangunguna sa SEA Games!

0 980

Sa dinami-dami ng batikos na inabot bago pa man pormal na magsimula ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Pilipinas, nangibabaw pa rin ang dugong Pilipino sa atin noong simulan nang ipakita ang opening ng SEA Games nitong nakaraang Sabado.

Maganda ang gina­wang preparasyon ng mga taong responsable sa SEA Games at ibinandera ang kakayahan ng Pilipinas na mag-host ng SEA Games.

Ipinarada rin ang mga atletang Pilipino na tunay na nagbigay parangal sa bansa at nagpakilala sa Pilipinas sa iba’t ibang parte ng mundo.

Proud moment sa bawat Pinoy ang entrada ng 8 atletang naging bukambibig ninuman ang pangalan, dala ang bandera ng SEA Games at nakasuot ng official jacket na may bandila ng Pilipinas sa kaliwang dibdib.

Lydia de Vega, 7 beses humakot ng gold medal sa pagtakbo. Siya ang tinaguriang ‘sprint queen’ at tinanghal na fastest woman in Asia noong dekada 80.

Paeng Nepomuceno, 6 na beses naging world champion sa bowling. Bata pa lang ay humahakot na ng karangalan si Paeng. May 3 Guinness World Records din siya na hanggang ngayon ay hindi pa nakakayang lampasan ng iba.

Akiko Thomson, swimmer na nag-uwi ng 7 SEA Games gold medal sa bansa. Sa batang edad na 13, nagsimula si Akiko na manungkit ng gold medal sa SEA Games. Siya ang presidente ngayon ng Philippine Olympians Association.

Onyok Velasco, maliit subalit matinik na boksinge­rong 2 beses nag-uwi ng gold medal sa SEA Games at silver medal sa 1996 Summer Olympics. Sa kanyang pagretiro, pumasok naman sa showbiz si Onyok.

Eric Buhain, 15 gold medals sa SEA Games ang hinakot para sa Pilipinas sa larangan ng swimming. Noong naging host ang Pili­pinas sa 1991 SEA Games, malaki ang naiambag ni Eric para dumami ang gold medal ng Pilipinas dahil sa naipanalo niya ang halos lahat ng kategorya sa swimming na sinalihan niya noon.

Bong Coo, 4 na beses naging world champion sa bowling at unang Pilipinong atletang nalagay sa Guinness Book of World Records. Bilang miyembro ng national team, mara­ming beses niyang binigyan ng parangal ang Pilipinas sa pag-uwi ng 78 medalya (37 gold, 23 silver, 18 bronze).

Alvin Patrimonio, PBA legend at ilang beses tinanghal na Most Valuable Player sa basketball. Siya rin ang isa sa dalawang Filipino basketball players na may pinakamaraming beses lumahok sa Asian Games.

Efren ‘Bata’ Reyes, 4 na beses naging World Eight-Ball Champion sa pool. Kilala rin sa tawag na ‘Magician’, ang napaka-mapagkumbabang Pinoy pool master ay nakapanalo ng higit 70 international titles. Binansagan din siya ng mga kapwa sports professional na ‘greatest living player’ sa buong mundo.

Sila ang 8 atletang Pinoy na kumatawan sa marami pang ibang nagbigay karangalan sa Pilipinas. Sila ang mga alamat at tunay na Pinoy Idols na dapat pamarisan ng kabataan at nagsisimulang atleta na nais sumabak sa iba’t ibang sports dala ang bandila ng Pilipinas.

At ngayon na nasa kalagitnaan na tayo ng kompetisyon sa SEA Games, nakararangal ang ma­ging Pilipino dahil habang sinusulat natin ito, ang team ng Pilipinas ang nangunguna sa dami ng medalyang nakukuha sa ngayon: 38 gold, 21 silver, 14 bronze.

Kabuuang 73 medalya na ang nakuha ng Pilipinas, na sinusundan ng Vietnam (54), Thailand (35), Indonesia (31), Malaysia (24), Singapore (22), Myanmmar (21), Cambodia (17), Brunei (7) at Laos (6).
Mabuhay ang Pilipinas!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy