Una sa Balita

Pilipinas basketball sa Asiad, dapat lang!

By
0 289

NAGBUNYI ang buong bansa ma­tapos na ipahayag kahapon ni POC president at PBA chairman Ricky Vargas na tuloy na tuloy na ang paglahok ng bansa sa basketball competition sa Asian Games.

“This will be final,” sabi ni Vargas sa presscon na ginanap kalaha­ting oras bago simulan ang Game 5 ng best-of-seven championship playoffs na pinagwagihan ng Barangay Ginebra kontra San Miguel Beer 87-83 sa Araneta Colseum nitong Linggo.

Kasamang humarap ni Vargas sa press sina SBP president Al Panlilio, PBA commissioner Willie Marcial, coach Yeng Guiao at miyembro ng PBA board.

Sinabi ni Vargas na nagbago ang kanilang isip matapos na umatras sa paglahok sa Asiad noong July 26 dahil na rin sa naging reaksiyon ng mga basketball fan.

Kahit gahol na sa panahon sa gagawing paghahanda, siniguro naman ni Guiao na gagawin nila ang lahat upang kahit na paano ay maging maganda ang kalalabasan ng kanilang kampanya sa biennial meet.

“We will practice starting tomorrow (Monday). Time is reall­y short even before we first planned it. Dati maikli na ngayon lalo pang umikli. That is also the reason why iyung core na ng Rain or Shine. They are fami­liar with me and I’m familia­r with them,” sabi ni Guiao.

Ang mga player ng RoS na nasa line up ay sina Maverick Ahanmisi, Chris Tiu, Gabe Norwood, James Yap. Beau Belga at Raymond Almazan. Makakasama nila sina Stanley Pringl­e ng Global Port, Paul Lee ng Magnolia na hi­nawakan rin ni Guiao sa RoS. Poy Eram ng Blackwater, Don Trollano ng TNT, Christian Standhardinger at Asi Taulava ng NLEX.

Kabilang rin sa 14-man line up ang mga Gilas cadet na sina Kobe Paras at Ricci Rivero. Isusumite ni Guiao ang final 12 bago sila umalis ng bansa patungong Indonesia, host ng Asian Games na magsisimula sa August 18.

Pero magsisimula ang kampanya ng Pi­lipinas sa basketball competition kontra sa United Arab Emirates sa Aug. 16. Bukod sa UAE, kasama ng bansa sa bracket ang Iran at Syria kung saan ang top three sa bawat grupo ay uusad sa susunod na round.

“We are happy but the country is even happier, simply because we are fielding a basketball team in the Asiad. That became more important than winning a medal,” sabi ni Vargas.

Hindi rin hina­ha­napan ni Vargas ng na­pakagandang performance ang national team kundi ang malampasan ang 7th place finish sa South Korea sa nakaraang Asian Games ay sapat na dahil wala ngang panahon na maghanda.

Gayunpaman ang team ni Guiao ay pupunta sa Indonesia hindi para maglaro lamang kundi para maging competitive at ipakita sa mga kalapit bansa sa Asya ang ‘puso’ ng mga Filipino.