Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Piliin ang tunay na tumutulong

0 15

Dahil malapit na ang filing of candidacy, kanya-kanya na  ngang siraan ang mga kampo ng iba’t ibang kandidato.  Kaya naman ang mga personalidad na tatakbo, natututok na rin sa paninira sa halip na patuloy na magtrabaho.

Mabuti na lamang at hindi nagpapadala sa ganitong takbo ng pagka-trapo itong si dating House Speaker Alan Peter Cayetano. Sa halip na makisama ng agos ng pagsisiraan, tuloy-tuloy sa pagseserbisyo itong si Cayetano patunay dito ang kanyang programang Sampung Libong Pag-Asa. Kahit hindi sinuportahan ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso ang isinusulong ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresistang BTS o Balik Sa Tamang Serbisyo na P10K Ayuda Bill, naisulong naman nila sa sariling sikap ang pamimigay ng P10K ayuda sa mga nangangailangan nating kababayan.

Sa ngayon nga ay napalaganap na ng grupo ni Cayetano nationwide ang pamimigay ng ‘Sampung Libong Pag-asa’ sa ating mga kababayang inilugmok ng pandemya. Sa huling balita namin ay lumagpas na sa sampung libong benepisyaryo ang naabutan ng 10K ayudang ito. Kabilang sa mapapalad na napagkalooban ng 10K Ayuda ang mga OFWs, mga seaman, barangay health workers, mga nawalan ng trabaho na mga entertainer tulad ng mga stand-up comedias, trabahador sa food industry at mga maliliit na negosyanteng nalugi sa pandemya.

Bukod pa sa P10K ayuda na ipinamimigay ng grupo ni Cayetano ang P3,500 na ayuda naman sa mga may-ari ng mga sari-sari store na kabilang din sa labis na naapektuhan ng pandemya. Sa ngayon ay nasa 2,500 sari-sari store owners na ang nabigyan ng P3500 ayuda sa iba’t ibang panig ng bansa. Wala naman kasing nagkusang magbigay ng ayuda sa mga sari-sari store owners maliban sa grupo ni Cayetano kaya naman maraming mga maliliit na tindahan ang nabuhayan dahil may isang Cayetano na pumansin sa kanila. Maaring isipin ng iba na maliit na bagay ang P3500 pero malaking bagay naman na maramdamang may nakaalala pa ring tumulong sa sektor na ito.

Iyong ibang kampo ng mga kandidato ay bumabanat sa mga ayudang ito ng grupo ni Cayetano. Pero mas pipiliin na namin ang mga ganitong pagtulong na ipinadarama sa ating mga hikahos na kababayan kaysa naman walang ginagawa kundi manira ng ibang tao para magparamdam ng kanilang presensya para sa nalalapit na eleksyon.

Hindi kailangan ng mga kababayan natin ang iba’t ibang paninira sa halip ay tunay na ayuda ang hinihintay nila.  Alalahaning sa isang taong gutom at nalulunod sa kahirapan, walang maitutulong ang puro kuda!

**

Kung merong mga politiko naninira ng iba para mapansin, meron din namang politikong sila mismo ang sumisira sa kanilang mga sarili. Tulad na lamang nitong si Congresswoman Helen Tan ng ika-apat na distrito ng lalawigan ng Quezon.

Si Congw. Tan ay isang doktor at pinuno pa ng Committee on Health sa Kamara.  Pero sa kabila ng kanyang propesyon bilang doktor, tila hindi nito naiindintihan na ang kanyang mga inilulunsad na programa para sa kanyang lalawigan ay maituturing na “superspreader events” na maaaring pagmulan ng mas mabilis na pagkalat ng kinatatakutan nating COVID-19 partikular na ang mas nakakatakot na Delta variant.

Sa mga larawang kumalat sa social media, nakita ng lahat ang siksikan at dikit-dikit na mga taong gustong mag-avail sa libreng bakuna kontra sa flu na inilarga ni Congw. Tan sa Lucena. Lantaran nang nakalimutan ang social distancing na paulit-ulit ipinapaalala ng gobyerno at ng mga health experts. Nakita rin sa mga larawang kumalat na ang ibang taong nakipagsiksikan ay walang face mask at face shield. 

Bawal ang mga events na magdudulot ng pagdidikit-dikit ng mga tao pero nakalimutan yata ito ng butihing doktorang kongresista ng Quezon. Oo  nga’t makakatulong ang flu vaccine para maiwasan ang trangkasong puwedeng mauwi sa pneumonia na kakabit ng COVID-19. Pero kung lalo namang inilagay ni Congw. Tan ang kanyang mga kababayan sa panganib ng hawahan sa COVID, para saan pa ang kanyang libreng flu vaccine? At nakukuwestyon din tuloy ngayon kung bakit kahit hindi naman sakop ng distrito ni Congw. Tan ang Lucena ay umabot doon ang libreng flu vaccine event nito.

Consistent daw itong mga pa-health events ni Congw. Tan sa iba’t ibang lugar sa Quezon. At dahil maraming mga tao ang naging health conscious dahil sa pandemya, dinudumog ang mga libreng turok ng lady solon. Consistent din ang pagbalewala sa mga health protocols sa mga ganitong event. Ang nakakainis ay nagagamit ng mga ganitong politiko ang takot ng taumbayan sa coronavirus para iparamdam ang kanilang presensya para sa kanilang mga ambisyon.

Sana pagdating ng Mayo 2022, mas piliin ng mga botante na iluklok sa puwesto ang mga tunay na tumutulong at sinsero sa pagtulong at huwag iboto ang mga politikong umaaksyon lamang para maisulong ang kanilang ambisyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.