Una sa Balita

Piliin ang mas magaling na kagamitan para sa Philippine Navy

By
0 2,446

Nagkaroon ng pagdinig sa Senado nitong Lunes kaugnay ng modernization ng AFP at paglilinaw sa umano’y pakikialam ni Special Assistant to the President Bong Go sa kontratang pinasok ng Philippine Navy sa pagbili ng frigates.

Mahabang oras ang ginugol na sumentro kay Go na itinanggi naman ang paratang. Subalit para sa akin, ang mas mahalagang usapin na ‘di gaanong napagtuunan ng pansin ay ang klase ng combat management system (CMS) na ilalagay sa dalawang warships ng Navy.

Dalawang uri ng CMS ang pinag-usapan sa pagdinig – Hanwa Systems at Tacticos Thales. Hanwa ang napiling ikabit sa warships ng Navy kahit kinikilala ng mga eksperto ang superiority at galing ng Tacticos.

Tinanong ko lahat ng nasa Senate hearing kung may makapagsasabing mas magaling ang Hanwa sa Tacticos. Wala ni isang kamay ang tumaas. Maging ang nagbabangayang si Defense Sec. Delfin Lorenzana at dating Navy chief Ronald Mercado ay nagkaisa sa pagsuporta sa panukala nating mas mabuti para sa bansa at Philippine Navy na iyung mas magaling na CMS ang ikabit sa warships ng Pilipinas.

Sa tanong ko kung bakit hindi ang Tacticos Thales ang napagpasiyang ikabit, binanggit ng Department of National Defense (DND) ang kakulangan ng pondo. Karagdagang P700 milyon ang kailangang idagdag kung Tacticos ang ikakabit sa 2 warships.

Hindi problema ang pondo sapagkat taon-taon, P35 bilyon ang inilalaang pondo ng Kongreso para sa DND. Kung ano ang pangangailangan ng DND upang lalong mapabuti ang pagpapatrolya sa mga dagat na nasasakupan ng Pilipinas, madaling mapupunuan iyon ng Kongreso sa mga susunod na pagbalangkas ng budget.

Sa panahon ngayon na mainit ang usapin sa West Philippine Sea at mga karatig na baybaying dagat na sakop ng Pilipinas, mas kinakailangan natin ang makabagong kagamitan para sa DND, lalo na sa Philippine Navy, upang mabantayan at masigurong mananatiling nasa kontrol ng bansa ang karagatang nakapalibot sa Pilipinas na tanging tayo ang may sovereign rights.