Una sa Balita

Piliin ang integridad, itakwil ang pera

0 388

Umpisa na nga ng pukpukang kampanya. Kaliwa’t kanan na namang pangako ang aalingawngaw. Gagana na naman ang matatamis na dila ng mga bihasang politiko.

Pero sa paulit-ulit na pagkapaso ng publiko sa mga pangakong napapako, dapat ay matuto na ang mga botante.

Maipapakita lamang ito sa balota. Napakahalaga na kilatising mabuti ang bawat kandidato. Sinuhin ang pagkatao.

Abante Hiring – IT dep

Wala bang mantsa ng katiwalian? Kung minsan nang naupo sa public office, kumusta naman ang kanyang rekord? Tapat bang tagapaglingkod?

Kung nakakaalala lang sa tao kada eleksiyon, iekis na agad. Kung nagpapamudmod ng pera, dapat ekis din agad.

Kuwestiyonable agad kung san galing ang pera, lalo kung reeleksiyunista.

Kung bagong salta naman sa politika, lalong nakakatakot kung namumuhunan nang malaki. Tiyak, paspasan ang bawi niyan oras na maupo.

Sa hanay naman ng mga SK candidate, dapat walang rekord ng fake news. Mahalaga sa henerasyon ng millennial na hindi kayang iligaw ng kasinungalingan at lalong hindi nagpapagamit sa fake news.

Tandaan: ang kandidatong magiging tapat sa serbisyo ay nakatukod sa katotohanan at sa kalinisan ng pagkatao.

Panghuli at pinakamabisa: Ipanalangin natin ang maingat na pagpili ng sambayanan.