Una sa Balita

Piliin ang aplikanteng may takot sa Diyos, lilikha ng trabaho

0 533

Natatangi po ang araw ng halalan. Ito na po marahil ang pinakamahala­gang pagkakataon upang maisabuhay natin ang tunay na demokrasya kung saan pumipili po tayo ng magiging mga kinatawan natin sa gobyernong atin, pinamamahalaan natin, at para sa atin.

Sa isang espesyal na paraan ay higit na mahalaga po ang araw na ito para sa mga manggagawang Pilipino. Sa araw na ito, hindi po kayo ang naghahanap ng trabaho. Hindi po kayo ang nag-a-apply. Kayo po ang employer.

Ngayong araw po ang pinakamalaki at pinakamahalagang ‘job fair’ sa bansa. Namimili po tayo mula sa mga aplikanteng naghahangad magtrabaho bilang mga tagapaglingkod natin sa gobyerno. Sa araw na ito, tayo po ang boss.

Kaya huwag po nating sayangin ang pagkakataong ito, na paminsan-minsan lamang dumara­ting. Piliin na po natin ang mga aplikanteng totoong magtatrabaho para sa mga tunay nating panga­ngailangan at kapakanan. Kilatisin ang kanilang mga layunin, kakayahan, at paninindigan.

Samantalang ipinag­lalaban po natin ang karapatan ng manggagawang Pilipinong napipilitang mag-abroad at pagtiisan hindi lamang ang paglayo sa mga mahal sa buhay kundi maging ang pang-aapi at pang-aalipin ng mga dayuhang amo, inaagaw naman ng mga dayuhang iligal na nagtatrabaho dito mismo sa sarili nating bayan ang mga trabahong dapat sana’y para sa atin, mga trabahong kayang-kaya namang gawin ng mga Pilipino.

Iboto po natin ang mga kandidatong ipinag­lalaban ang mga karapatan ng manggagawang Pilipino sa loob at labas ng ating bansa at subok na maaasahan sa paglikha ng trabaho.

Lugmok po sa kahirapang ugat ng karahasan, droga, at krimen ang nakararami sa manggagawang Pilipino. Ibagsak po natin ang mga aplikanteng ang tanging ipinagmamalaking skills ay krimen, pagnanakaw, pagbibintang, at pagre­reklamo.

“Blessed is the nation whose God is the Lord” (Psalm 33:12), madalas ko pong marinig sa aking tatay. Kung tayo’y may Diyos, Siya ang maging ating Panginoon, hindi kung ano-ano at sino-sinong ‘lord’.

Kaya gamitin po nating batayan o pamantayang moral at etikal sa pagkilatis ng iboboto ang mga sumusunod na kautusan ng ating Panginoon:

1. Walang ibang Diyos maliban sa Diyos.

2. Iginagalang ang pa­ngalan ng Diyos.

3. Nangingilin sa mga araw na banal.

4. May galang sa magulang.

5. Hindi mamamatay-tao.

6. Hindi magnanakaw.

7. Hindi nakikiapid.

8. Hindi sumasaksi ng hindi totoo.

9. Hindi pinagnanasaan ang hindi asawa.

10. Hindi pinag-iimbutan ang hindi pag-aari.

Pasok po ba sa mga standard na ito ang resume o bio-data ng pinipili ninyong aplikante o kandidato?

Dalangin ko po ang payapa, makatotohanan, at makahulugang halalan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy