Una sa Balita

Pila man China

0 362

Lagi kong naririnig ang katagang ito. At sa tuwing naririnig ko, ako’y natatawa. Ito’y napulot sa komunidad ng teatro. Isang gay lingo rin. Salitang binabago o iniimbento ng mga gay.

Ang katagang ito ay mula sa salitang Bisaya at ang bansang Tsina. Pila man — magkano, at dinugtungan ng tsina (kumbaga e chines na derivative ng ini o sa salitang gay na ‘chenes’). Kaya naging pila man china. Kaya ang titulo ng artikulo na ito.

Pila man China dahil, magkano o gaano ang binabayaran natin sa pag­lapit ng admi­nistrayon o ng gobyernong ito sa China? Ano ang kabayaran ng pakikipagkaibigan ‘kuno’ ng bansang Pilipinas sa China?

Marami nang mga nagbabala sa mapanlinlang nitong pautang. Mga bansa sa Africa ang laging ibinibigay na halimbawa. At ang bansang Sri Lanka sa Asia.

Kamakailan lang ibinalita ang bansang Zimbabwe ay magpapalit ng kanilang pananalapi at ang gagamitin na nila ay ang Chinese Yuan. Sa kadahilanang hindi na makabayad ng utang ang bansang ito kung kaya’t pati pananalapi nila’y sinakop na.

Dumagsa ang utang ng bansa ngayon sa Tsina. Ito’y dahil sa marahil ito lang ang alam ng administrasyon na ito na mauutangan, kahit na napakalaki ng interes kumpara sa mga pautang ng ibang bansa tulad ng Hapon. Mababatid na bilyon-bilyong piso ang ating utang para sa build build build ng gobyerno.

Ngunit ano nga ba’ng kabayaran?

Nariyan ang ipinamigay na ang ating teritor­yo? Ang mga pag-aari nating isla na tinayuan na ng military facility? Ang kawalan ng karapatang malayang mangisda ng mga Pilipinong ma­ngingisda sa ating mga pag-aaring pangisdaan? Nariyan ang kamakailan lang, ang walang pa­kundangang paggahasa sa ating karagatan at hinahayaan lang ng ating mga Hukbong Pandagat? Nariyan ang pagdagsa ng mga dayuhang Intsik na binibigyan ng trabaho kaysa sa mga Pilipinong manggagawa? Nariyan ang pagdagsa ng mga pinapaborang negos­yanteng Intsik sa Isla ng Boracay? Ang pagdagsa ng mga barko ng Tsina na nagkalat sa buong kapuluan at tila hahayaan lang?

Hindi ba’t ang mga ito’y pawang mga kabayaran sa mga ‘pabor’ o mga utang ng gobyernong ito sa bansang Tsina?

Tila hinahayaan nalang dahil laging idinadahilan na hindi kaya ng ating bansang makipaggiyera sa Tsina. Ngunit giyera lang ba ang solusyon? Nariyan ang arbitral ruling na pumapabor sa atin para igiit ang ating karapatan sa mga isla. Hindi giyera ang nais ipahiwatig ng arbitral tribunal ruling na ‘yan kundi naaayon sa batas. (Palibhasa utak giyera kaya maging ang solusyon sa problema ng droga ay giyera. Lalong lumaganap ang supply ng droga. At ang ta­nging ginyera ay ang mga mahihirap at hindi ang mga drug lord at pinagmumulan ng mga droga, ang bansang Tsina).

Kung kaya, pila man china? Ang kinabukasan ng ating bansa. Ang kinabukasan ng mga susunod na salinlahi. Ang pagbalewala sa arbitral tribunal ruling. Ang ating mga teritoryo, ang ating kasarinlan.

Pila man China? Ang ating dignidad at da­ngal!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy