Una sa Balita

Pigilan ang bullying

By
0 536

Akala natin ‘pag nadala natin ang anak natin sa eskwela eh sapat na. Tapos na ang obligasyon natin. Wala ng kelangan pang gawin bagkus sunduin na lang natin sila pagtapos ng pasok. Ang normal na reaksyon eh kaya na ng titser ang pag aaruga at pag-aasikaso sa kanila. Hindi tama ito.

Maraming nangyayari sa loob ng silid-aralan na hindi natin alam kung hindi natin ito aalamin. Isa dun yung pangbu-bully sa mga bata ng kapwa bata. Na puwedeng ang anak natin ang isa sa mga batang ito.

Bakit ba may bullying na nagaganap? Kanino ito nangyayari? Ang bullying ay nagagangap dahil sa mga batang mahilig humanap ng pagtatawanan sa kaklase.

Kaklaseng may halatang kapintasan. Ang mga nabu-bully ay kadalasang yung mahina, duwag, may kapansanan o kapintasan na madalas pukulin ng mga kantsaw at kutya. Minsan umaabot pa ito sa pisikal na pananakit sa ngalan ng katuwaan.

Bilang magulang, tama lang na obserbahan natin ang kanilang galaw sa tuwing ang mga batang ito ay papasok sa paaralan at uuwi sa bahay. Makikitaan sila ng pagkabagabag… yung parang halos ayaw pumasok at gagawa ng dahilan upang hindi na sila piliting mag-aral. Sila yung nagkukulong kadalasan sa kuwarto pag-uwi dahil nahihiya silang isumbong ang ginagawa sa kanila ng kanilang mga kaklase.

May isang mag-aaral na lumapit sa aking opisina isang araw. Nakiusap ang kanyang nanay na unahin na siya. May libre kasi tayong paopera sa mga duling at mahaba na ang listahan natin. Tinanong ko kung bakit. Ang sagot niya: Binu-bully po kasi ako ng mga kaklase ko dahil duling ako. Naiiyak ang tugon niya. Sa murang edad na anim na taon, naranasan na niya agad ang rejection ng lipunan.

Inuna ko siya sa listahan. Naoperahan na siya ng libre. Bumalik na siya upang magpasalamat. May ngiti na ang kanyang mga labi.

Pasalamat siya sa kanyang masigasig na magulang. Dahil naramdaman nila ang problema ng bata bago pa ito lumala at madala sa mas malalim na antas ng psychological disorder.

Payo ko sa magulang ang maging sensitibo sa bagay na ito. Anumang napansin niya ay puwedeng isangguni sa guro at sa principal para maagapan ang mga susunod na mangyayari. Bago mahuli ang lahat. Bago natin pagsisihan ang hindi natin pagtalima sa kailangan ng bata.
Iwaksi natin ang mga ganitong pangyayari. Tutulong ang gobyerno sa problemang ito.