Una sa Balita

Pictures ng ‘epalitiko’ bawal na!

By
0 2

Bawal na ang pagsabit ng larawan ng mga ‘epal’ na mga pulitiko sa mga tanggapan at mga ahensiya ng pamahalaan.

Ito ay makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Memorandum Circular #25 na nag-uutos na palitan ng larawan ng mga bayani ang mga naka-kuwadrong picture ng mga pulitiko sa bawat tanggapan at ahensiya ng gobyerno.

Kasama rin ang lara­wan ng Presidente sa pinapapalitan nito dahil hindi aniya siya sanay at nakokornihan siya (corny) sa ganitong aksiyon.

Kabilang sa mga lara­wan na maaaring isabit at ipalit sa larawan ng mga ‘epalitiko’ ay sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Juan Luna, Melchora Aquino, Gabriela Silang, Lapu Lapu, Father Jose Burgos, ­Father Mariano Gomez, Father Jacinto Zamora,­ Emilio Jacinto at Jose Abad Santos.

Nakasaad sa memorandum na layunin nitong mapalakas ang nasyuna­lismo ng mga Pilipino, at paggalang sa mga bayani para mabigyang halaga ang kasaysayan ng bansa.

Kabilang sa mga inatasang maglagay ng mga larawan ng mga bayani ay ang lahat ng tanggapan ng gobyerno kabilang na ang mga go­vernment owned and controlled corporation, state universities and colleges at lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.