Una sa Balita

Phoenix-Dennis Uy iimbestigahan sa ₱3B tax evasion

0 3,425

Kinalampag ng isang grupo ang Bureau of Internal Revenue na imbestigahan ang Davao-based businessman na si Dennis Uy at ang kanyang kompanya sa posibleng tax evasion.

Sa isang liham na ipinarating kay BIR commissioner Cesar R. Dulay, inungkat ng Alliance for Consumer and Protection of Environment Inc., ang lumabas na ulat hinggil sa tax liability ng Phoenix Petroleum sa halagang P3 bilyon.

“ACAPE would like to request from your good office to conduct an investigation on this matter, particularly on the tax liability of the company and businessman himself, Dennis Uy,” diin nila sa liham.

“As BIR’s mandate to collect taxes, Acape believes that the bureau has the responsibility to look into uncollected tax deficiencies of every taxpayer, particularly high-profile businessmen,”giit pa ng grupo.

Binanggit pa sa liham na nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Department of Energy (DOE) at kung mapapatunayan ay baka masuspende ang oil importation permit ng Phoenix.

Hiniling din ng grupo sa Bureau of Customs na imbestigahan ang diumano’y smuggling activity ng Phoenix Petroleum, bagama’t dinismis na ng Court of Appeals (CA) ang kaso laban sa kompanya noong 2014.

Sa isinagawang im­bestigasyon, lumabas na mula Hunyo 2010 hanggang Abril 2011, tinata­yang P5.1 bilyong halaga ng petrolyo ang inangkat at na-clear ng BOC kahit walang kaukulang import entry declaration, kaya’t nalugi ang pamahalaan sa kaukulang buwis dito.

Matatandaan na sinampahan ng kasong smuggling ang Phoenix sa Department of Justice dahil sa umano’y paglabag sa Tariff and Customs code, hindi pagbabayad ng excise tax at value added tax at hindi pagsusumite ng mga importation document tulad ng mga invoice at bills.

Bukod sa pagbebenta ng langis, si Uy ay may negosyo din sa shipping at logistics, real estate, casino resorts at mga restawran.

Itinanggi naman ng kampo ni Uy ang alegasyon ng ACAPE sa pagsasabing ‘aboveboard’ ang lahat ng kanilang transaksyon.