Una sa Balita

Phoebe Walker gustong tikman sina Jericho, Piolo

0 1,129

Maganda. Matangkad. Seksi. Makinis.

Lahat ng katangian ng isang artista, taglay-taglay ni Phoebe Walker.

Bongga nga ang kombinasyon ng ­British na ama, at Pilipina na nanay.

Pero, alam niyo ba na dahil din sa itsura niya, dumanas ng pambu-bully ang seksing dalaga?

Buong ningning na ikinuwento nga ni Phoebe sa guesting niya sa Abante News Online show namin ni Rey Pumaloy, ang ‘ABANTELLILING’ (mapapanood sa Facebook page ng Abante, YouTube channel na Abante Tonite, at website na tnt.abante.com.ph) na dumaan siya sa ganu’ng yugto, na apihin dahil sa itsura niya.

Kaya nga kung mabibigyan ng pagkakataon, ang adbokasiya tungkol sa pagiging kontento sa ­itsura, o mahalin ang kung ano ang meron ka, ang gusto niyang­ itulak.

“Marami rin kasi akong flaws. Bina-bash nga nila ako na kesyo malaki raw ang forehead ko.

“Sa totoo lang, insecure talaga ako noon, at nu’ng high school na-bully talaga ako about my forehead, about my nose, na sobrang tangos daw. And then, sinasabihan nila ako na mahaba ang face ko.

“So, ‘yun talaga ang gusto ko, na love yourself,” sabi ni Phoebe.

Nakatulong ba ang mga panlalait sa kanya kaya siya magaling na artista? Sa unang pelikula niya na ‘Seklusyon’, wagi agad siya ng best supporting actress.

“Iyakin talaga ako. May mga hugot din kasi sa buhay. May problema sa lovelife, sa family, hindi mawawala ‘yon. Sa akin kasi dapat totoo talaga ang mga emotions sa mga eksena ko.”

Ano ang problema sa family?

“Marami akong kasama sa set na puro family problem. Sa akin naman kasi ang daddy ko naka-base sa Macau. May epekto sa akin ‘yon na hindi kami magkakasama. Hindi ko na lang idedetalye.”

Anyway, ang hiling nga ni Phoebe ngayon ay dumami pa ang trabaho niya bilang aktres. At sino ba ang gusto niyang makasama?

“‘Yung lamunan talaga sa acting? Gusto ko makatrabaho si Angel Locsin, Kristine Hermosa. Fan kasi ako ng ‘Pangako Sa’yo’. So, sina Eula Valdez, Jean Garcia sa Pangako Sa’yo, sila ang standard of acting ko.

“Gusto ko ring makatrabaho sina Vilma Santos, Sharon Cuneta. Nakatrabaho ko na kasi si Vina Morales, at iba ang disiplina nila talaga.”

Eh, sa mga lalake, sino ang gusto niyang matikman sa aktingan?

“Si Empoy. Hahahaha! Wesfriend ko ‘yon. Hahaha!

“Pero seryoso, si Jericho Rosales talaga. Gusto ko talaga sila ni Kristine, eh.

“At siyempre, si Piolo rin! Ang gagaling kasi nila!” sabi ni Phoebe.

***

Palaban sa hubaran

Teka lang, palaban pa rin ba si Phoebe sa hubaran? O, ayaw na talaga ng nanay niya na magpaseksi siya?

“After ‘Seklusyon’ nag-usap kami na magkaroon na ng limi­tation sa mga susunod. Okey na ‘yung once lang, kasi baka magsawa na.

“Lumaki ako sa Hong Kong, at sanay ako na pinapanood ang mga movies nina Meg Ryan, Nicole Kidman na nagpapaseksi sila. Sila ang peg ko. Na kung puwedeng seksi nga, pero dapat disente, maayos, at aktres pa rin talaga at the end of the day.”

So, puwede pa siyang maghubad ulit?

“Sa Hollywood naman, hindi nila iniisip ‘yon, like paghuhubad. Dito lang naman ang big deal, kasi nga conservative country tayo.

“Hindi ko naman sinasara ang sarili ko sa ganyang role. Pero sana pang-festival abroad na makakatulong naman sa career ko, makakadagdag ng bigat, at hindi lang basta parang nagpakita lang ng ano.”
Eh, maghubad sa painting?

“Kung ilalagay sa National Museum, why not? Hahaha! Ang kapal ng mukha ko!
“Pero sabi ko nga, pag-usapan muna namin ng mommy ko. Kasi ang nanay ko na-high blood talaga siya sa ginawa ko sa Seklusyon.”
Nagpasilip nga siya ng bulaklak.

“Pero prosthetics po ‘yon, ha! Factual lang po,” sabi na lang ni Phoebe.

***

Type bugbugin ng mga fan nina Barbie, JM

Sa teleserye ng ABS-CBN na ‘Araw, Gabi’ na pinagbibidahan nina JM de Guzman at Barbie Imperial, na­ging mahigpit na kalaban nga siya ni Barbie. At dito nga nakaranas si Phoebe ng matinding panlalait mula sa mga fan.

“Ang pinakamasakit na nasabi sa akin ay ‘yung bakit ganyan ang itsura niyan? Saan ba napulot ‘yan? Kes­yo hindi raw ako bagay sa role. Sa simula kasi ganu’n talaga na sobrang salbahe ko sa teleserye, na marami kaming away ni Barbie.

“Nagsasabunutan talaga kami. At first time kong makaramdam ng ganyang galit. Sa totoong buhay hindi ako war freak.

“Maraming beses ko rin siyang sinaktan sa eksena. Pero pinepeke namin noon. Pero nu’ng panghuli na, sinabihan na kami na huwag pekein, kasi halata raw.

“May experience rin ako na nagpapagupit ako sa salon. May isang babae roon na tingin nang tingin sa akin. And then, maya-maya lumapit siya sa akin, sinabihan ako, na ‘alam mo ang sama-sama mo, galit na galit ako sa iyo’.

Dinuro-duro niya ako. “Pero, natawa na lang ako. Kasi fee­ling ko, effective talaga ang pagiging kontrabida ko. Nu’ng una nasasaktan ako. Pero sina Direk ang nagsabi sa akin na huwag ko na lang pansinin.

“Sa social media, may mga nagbabanta sa akin, na huwag kang dadaan sa amin, sasaktan ka namin. Tinatawanan ko na lang. hahahaha!”