Una sa Balita

Philippine Cup kapana-panabik

0 601

Sarah Jireh Asido

NARITO na ang 2019 mga KAbante. Maliga­yang Bagong Taon sa inyo!
Bagong taon, bagong simula.

At sa larangan ng sports, lalo na sa ating Pambansang Liga, ang PBA, ay simula na ng bagong season ngayong darating ng Enero 13 na gaganapin sa Philippine Arena.

Philippine Cup ang unang conference para sa taong ito kung saan ang naghahari ay ang San Miguel Beermen.

Kasabay ng opening ay ang Leo Awards kung saan malalaman natin kung si ‘The Kraken’ June Mar Fajardo pa rin ang tatanghaling Most Valuable Player o makukuha na ito sa kanya ni Stanley Pringle na siyang nangunguna pagdating sa naitalang puntos para sa nakaraang season.

Habang sa Rookie of the Year naman ay si Jason Perkins ang na­ngunguna, hindi kasama sa pagpipili­an ang number one pick na si Christian Standhardinger at si Kiefer Ravena sa kadahilanang hindi nila nakumpleto ang bilang ng laro upang magkuwalipika para sa Rookie of the Year.

Abangan natin kung sino-sino ang mga mag-uuwi ng mga parangal sa darating na Philippine Cup.

Kasabay nito ang inaabangan rin ng fans kung sino nga ba ang mga muse ng kanilang mga sinusuportahang koponan.

Pero bago ang ope­ning ay may nakalatag na Press Conference si Commissioner Willie Marcial para sa Media na gagawin sa Enero 8, sa Conrad Hotel sa Pasay at susundan muli ito sa Enero 10 na gaganapin naman sa Solaire.

Sigurado ako na sabik na ang fans sa gagawing pagpapasikat ng mga rookies nga­yong taon, marami ang nag-aabang diyan kung tama ba ang pagpili na ginawa ng mga coach o may lipatan na agad na magaganap.

Tulad ng paglipat ni Poy Erram sa NLEX, ito ay opisyal na. Ang big man ng Blackwater ay magbibigay serbisyo na kay Coach Yeng Guiao na kanyang nakasama sa Gilas nitong nakaraang taon.

Magiging maganda kaya ang pagpasok ni Erram sa Road Warriors o panibagong kapaan na naman ito para sa mga bata ni Coach Yeng?

Kung may nawala sa Blackwater ay meron namang pumalit este bumalik sa koponang ito, nawala nga ang kanilang big man pero ang matinik na guard na si Brian Heruela ay nagbabalik na sa Elite mula sa San Miguel Beermen.

Naging maganda ang larong ipinakita ni Heruela para sa Beermen na tiyak namang madadala niya sa kanyang pagbabalik sa Blackwater, kasabay pa nito ay makakasama niya sa koponan ang rookie na si Paul Desiderio maging ang isa pang matinik na guard na si Jericho Cruz.

Magiging kapana-panabik ang season na ito ng PBA dahil sa dami ng palitan na naganap mula sa iba’t ibang koponan at malamang sa malamang ay marami pa ang balasahan ang mangyayari habang tumatakbo ang season na ito.

May mga datihan na magbabalik at ‘di rin malabo na magkaroon ng kaunting hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga veteran player at mga bagong salta sa kanilang team na tiyak na magiging sakit ng ulo ng coaches at ng kanilang management.

Makulay ang magi­ging simula ng Philippine Cup dahil marami ang mga bigating pa­ngalan ang pumasok sa liga na talaga namang bigatin din ang laro.

Tingnan natin mga KAbante kung malaki ba ang magiging kontribusyon nila sa kanilang mga koponan o baka mas malaki ang oras na uubusin nila sa ensayo kesa sa mismong mga laro.

Muli, inyo pong patuloy na suportahan ang aming show ni Bes Ramil, ang Sportalakan. Salamat po.

Isang mapagpalang taon para sa ating lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy