Una sa Balita

Philip-Fortune ni Lucio Tan dedma sa strike

0 433

SA ika-anim na araw na welga ng mga manggagawa ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp. (PMFTC) kahapon, patuloy pa ring iniisnab ng bilyonaryong may-ari ng kompanyang si Lucio Tan ang karaingan ng mga nag-aklas na empleyado.

Ayon kay Rey Almen¬dras, presidente ng Philip Morris Fortune Tobacco Labor Union, patuloy ang pagmamatigas ng management sa kahilingan nilang ibalik ang 310 tinanggal na manggagawa sa planta sa Marikina City at redrying plant sa Vigan, Ilocos Sur.

Nabatid pa kay Almen¬dras na naka-sampung miting na sila sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sapul noong ihain ang notice of strike noong Agosto 9, 2018 pero palaging walang dalang ‘good news’ ang kinatawan ng kompanya.

“Wala silang proposal, puro status quo,” sambit ng union president, sa Abante.

Aniya, hindi umano makaporma ang mga kinatawan ng kompanya hangga’t walang basbas ni Lucio Tan o iba pang executive ng PMFTC.

Inireklamo ng unyon ang kompanya ng illegal closure ng Vigan plant, illegal mass dismissal, illegal lockout at union busting. Idinahilan ng kompanya na kailangan nilang magbawas ng empleyado dahil sa ‘redundancy’ at ‘rightsizing’.

Ngunit ayon sa unyon, walang basehan ang dahilan ng kompanya dahil sa nagkakaroon lang ng redundancy kapag ang serbisyo ng manggagawa ay labis sa aktuwal na kinakailangan ng kompanya at ginagawa lamang ang rightsizing kung bumabagsak ang kita ng kompanya. Noong 2017, kumita ang PMFTC ng P4.39 bilyon.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nagbawas ng manggagawa ang kompanya nang walang notice sa unyon. Sa kanilang tala, aabot na sa 900 empleyado ang iligal na tinanggal at kung hindi sila kikilos, posi¬bleng maubos ang mga regular na empleyado ng kompanya at malusaw ang kanilang unyon.

Ang PMFTC sa Marikina ang pinakamalaking planta ng sigarilyo sa Pilipinas na naitayo noon pang 1996 at pagmamay-ari ng bilyonaryong si Lucio Tan na umaakto bilang Chairman ng kompanya.