Una sa Balita

Philhealth winalis ni Duterte

0 244

INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng miyembro ng board ng Philippine Health Insu­rance Corporation (PhilHealth) at maging sa acting President nito na si Dr. Roy Ferrer na magsumite ng kanilang courtesy resignation kaugnay sa nabunyag na anomalya sa paggamit ng pondo ng ahensiya.

Kasunod ito ng ipinatawag na pulong ng Pa­ngulo sa PhilHealth officials sa Malacañang, Lunes nang gabi, dahil sa kontrobersiyang may kinalaman sa overcharging ng mga ospital at clinic na accredited ng ahensiya.

Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Pa­nelo na bagama’t nagtitiwala ang Pangulo kay Dr. Ferrer, nais nitong malinis at walang bahid-dungis ang paghahatid ng serbisyo sa mga Pilipino.

“He has no doubt about the integrity of the PhilHealth acting President and CEO Dr. Roy Ferrer, as well as the members of the board, he however demanded for their courtesy resignation in order for the corporation to have a clean slate absent any taint of irregularity in rendering services as well as implementing pertinent policies on health, inclu­ding the Universal Health Care Act,” ani Panelo.

Nalulungkot aniya at dismayado ang Pangulo sa nabunyag na iregularidad lalo na at napakalaking halaga ang sangkot dito mula sa kontribusyon ng mga miyembro.
Binigyang-diin ni Panelo na ang paglaban sa korapsiyon ang isa sa mga adhikain ng Duterte administration kaya’t bubusisiing mabuti kung paano nakalusot sa mga opisyal ng PhilHealth ang mga pekeng claim mula sa mga ospital at clinic na naniningil ng sobra-sobra.

“There is zero tolerance on corruption under this administration. There will be an in-depth study on how frauds are systematically committed by unscrupulous persons in and out of Philhealth,” dagdag pa ni Panelo.

Tiniyak ni Panelo na magtutuloy-tuloy ang ope­rasyon ng PhilHealth habang ginagawa ang im­bestigasyon para mapanagot ang mga nasa likod ng anomalya.

Samantala, sinabi naman ni Senator-elect Bong Go na inatasan din ni Pangulong Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng mabilisang imbestigasyon sa nabunyag na anomalya sa PhilHealth.

“Inutusan ng Pangulo ang NBI na imbestigahan ito sa mabilisang panahon,” ani ni Go. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy