Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PhilHealth at DOH tila manok na walang ulo

0 365

Upang mabuksan ang ekonomiya at mamuhay ang lahat sa “new normal” na tinatawag, kailangang maunahan natin ang virus.

Ibig sabihin, kahit may pandemya, kontrolado natin ang sitwasyon dahil sapat ang testing, nakalatag ang maayos na sistema ng contact tracing upang matunton at mabantayan ang mga nakasalamuha ng taong may COVID-19, at handa ang mga ospital na gamutin ang mga pasyente.

Nasabi ko ito dahil ibinalik na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal. Niluwagan ang dating mahigpit. Asahan ang pagdami ng mga tao sa labas ng bahay, pagpasada ng public transportation, at lalong pagdami ng mga taong may virus.

Sa araw-araw na dagdag na 3,000 – 6,000 bagong kaso ng COVID-19, kakulangan ng testing, contact tracing at umaapaw na ospital, hindi natin masasabing naunahan natin sa diskarte ang virus.

Ang Department of Health at PhilHealth na pangunahing ahensya at institusyong inaasahang mangunguna sa paglaban sa virus ay nagkakagulo. Parang manok na tinanggalan ng ulo at tumatakbong walang direksyon.

Ang masama, pera ng taongbayan mula sa buwis na kanilang ibinayad at buhay ng mga Pilipino ang nalulustay sa kanilang kapabayaan.

Hinihimay namin ngayon sa Senado at House of Representatives ang Bayanihan 2 Act, isang stimulus bill na naglalayong bigyan ng bala ang pamahalaan sa gyera laban sa COVID-19.

Gustuhin man naming lakihan at gawing akma sa sitwasyon ang pondong ibibigay, mismong ang mga kinatawan ng pamahalaan ang nagbigay ng limit na hanggang P162 bilyon lamang ang gusto nila.

SM food to go Banner Ad

Masyadong maliit ang hinihinging pondo sa Kongreso upang tugunan ang napakalaking problemang dulot ng pandemya. Parang chopsuey –samu’t saring gulay sa iisang ulam.

Kung ganito ang gusto ng pamahalaan, sinabi ko sa Bicam meeting namin na mabuting ibuhos ang malaking bahagi ng Bayanihan 2 upang ayudahan ang mga “sundalong” nangunguna sa gyera sa pandemya. Dahil pag natalo sa gyera ang health frontline natin, walang saysay ang iba pang gagawin ng pamahalaan.

Paano sila tutulungan? Bilisan ang pag-recruit sa maraming health workers upang madagdagan ang hanay nila. Siguruhing maayos ang sweldo nila at may sapat na proteksyon sa pagganap sa kanilang tungkulin. Pag-ibayuhin pa ang testing, tracing at treatment sa mas maraming tao.

Mahalagaya yan lalo’t pakakawalan na ang maraming tao sa lansangan gawa ng GCQ. Hangga’t hindi natin napapatibay ang health frontline, para nating pinalabas sa gyera ang mga tao na walang armas. Papanoorin na lang ba natin sila habang isa-isang binabaril ng COVID-19?

Malas din na kung kailan pandemya at saka pa umalingasaw itong problema sa PhilHealth, isang importanteng institusyon sa laban natin sa virus. Tila gulong na nabutas at nag-collapse sa dami ng problemang lumabas at alegasyon ng corruption.

Kung hindi napabayaan ang PhilHealth ng mga taong dapat ay namuno doon, hindi na sana dumating sa puntong humaharap ito sa pagdinig sa Senado.

Ngayon ay isinasalang namin sila sa masusing pagtatanong

upang malaman ang kalagayang pinansyal ng PhilHealth at kung paanong naipatupad ang mga kwestyunableng polisiya na hindi patas, batay sa palakasan at may ilang nakinabang.

Kung malalim na ang ugat ng corruption sa PhilHealth, kailangan natin ng mamumunong handa at kayang gumawa ng mabilisang reporma doon.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.