Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PhD’ ang kailangan laban sa Omicron variant

0 133

Unang column ko ito ngayong 2022 kaya ang pagbati ko sa lahat: MALIGAYANG BAGONG TAON! Siyempre, Merry Christmas din sa inyong lahat.

Mukhang natuto na ang ating mga kababayan sa pagsalubong sa bagong taon dahil kung noon ay marami ang nag-uumpisa ng taon na naputulan ng daliri dahil naputukan ng firecraker, ngayon ay parang halos kaunting-kaunti lang ang insidente ng paputok at hindi grabe kumpara noong araw.

Ibig sabihin, konti lang ang nagpaputok ngayon, siguro dahil na rin mahigpit ang pagbabantay ng gobyerno at mas malawak din ang information dissemination tungkol sa panganib ng paputok lalo na ‘yung malalakas na firecrackers. Siguro nga, nakatulong rin ‘yung mataas na presyo ng mga paputok ngayon kaya konti lang ang bumili.

Sana ay tuluy-tuloy pa ang pagbaba ng firecracker-related indicents sa mga susunod na taon para sa kaligtasan ng lahat ng Pilipino.

Heto ngayon ang kinakaharap nating mas malaking problema: Parang ‘sinturon ni Hudas’ na tuloy-tuloy ang “pagputok” ng mga hawaan ng COVID-19 simula pa lang noong pagkatapos ng Pasko.

Sa report nga ni Secretary Duque ng Department of Health kay Presidente Duterte nitong umpisa ng Linggo, 448 percent ang 2-week growth rate ng COVID-19 cases sa buong bansa at ang average attack rate, o ADAR, ay 1.66.

Sobrang taas ito kumpara sa sinundang 2-week growth rate na nasa minus 49 percent lang at ang ADAR ay nasa mababang 0.30.

Sa katunayan, sa pagitan ng December 29, 2021 at January 4, 2022, ang daily recorded average ay 3,313 infections na 849 percent na mas mataas sa 349 average daily cases mula noong December 22 hanggang December 28 ng nakaraang taon.

Sabi ng mga eksperto, posibleng umabot sa 40,000 ang COVID-19 cases araw-araw dahil sa Omicron variant na kumpirmadong nakapasok na dito sa Pilipinas.

Dahil sa napakabilis na hawaan, ibinalik ng gobyerno ang buong bansa sa “high risk” category ilang araw lang matapos na ilagay sa Alert Level 3 ang National Capital Region, o Metro Manila. Ngayon pati nearby areas ng NCR ay nasa Alert Level 3 na rin.

Related Posts

Nitong nagdaang 2020 hanggang 2021, ipinakita ng ating mga kababayan, lalo na ng mga frontliner, ang tapang sa pagharap sa pandemya.

Bilib na bilib ako sa mga frontliner kaya sa pagsalubong ko sa 2022, ang salubong ko sa kanila ay saludo, paghanga, at pasasalamat. ‘Yung tapang, nasa dugo talaga ng Pilipino ‘yan at lumabas na naman ‘yang katangiang ‘yan sa ating mga frontliner simula nang dumapo ang COVID-19 sa ating bansa.

Sa totoo lang, ibang level ang labanan ngayon dahil kung mabilis makahawa ang Delta variant, mas mabilis makahawa itong Omicron variant. Ayon kasi sa DOH, ang Omicron ay 8x na mas nakahahawa kumpara sa Delta, kaya talaga namang nakakabahala.

Dagdag pa rito ang mga balitang pansamantalang nagkakaubusan ng mga gamot tulad ng paracetamol at gamot sa ubo at sipon. Mabuti na lamang at nilinaw ng DOH na hindi kulang ang supply, pero nagpa-alala ito na wag mag hoard at mag panic-buying ang mga tao, para naman may mabili ang mga talagang nangangailangan.

Gayun pa man, Omicron man ‘yan o Delta, o kahit na anong variant pa, kaya nating labanan basta mayroong “PhD” ang bawat isa sa atin. Hindi ito ‘yung doctorate degree na nakukuha sa eskwelahan.

Ang sinasabi kong “PhD” ay “P” for pagpapabakuna, “h” for health protocols, at “D” for Diyos.

Magpabakuna na lahat ng hindi pa bakunado dahil napatunayan naman na ‘pag bakunado, ‘yung kumpletong bakuna, mild o moderate na lang ang magiging simtomas kung tamaan man ng COVID-19. Mas lalong maigi kung makapagpa-booster shot na, dahil mas malakas ang panlaban sa virus.

Sundin natin ang health protocols nang walang kiyaw-kiyaw pa o pamimilosopo. Kaunting sakripisyo lamang ito para sa kaligtasan natin at ng ating mga kapamilya – social o physical distancing, pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, at pananatili sa bahay kung walang namang essential na pakay sa labas.

At, siyempre, ang pinaka-importante at pinakamabisang sandata ay ang taimtim na pagdadasal sa Diyos dahil nasa kanya talaga ang lubos na kaligtasan natin sa COVID-19.

‘Pag mayroon tayong “PhD” ay siguradong walang panama ang Omicron variant, at tatalunin natin ang COVID-19.

Itaga mo sa bato!

Leave A Reply

Your email address will not be published.