Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pharmally dinoktor mga face shield

0 264

Iprinisenta ni Senadora Risa Hontiveros sa Senate blue ribbon committee ang isang video kung saan ibinunyag ng dating empleyado ng Pharmally Pharmaceutical Corp., ang aniya’y ‘soiled’ at ‘substandard’ na mga face shield na bahagi ng kanilang supply sa gobyerno, gayundin ang pagbago umano sa mga sertipiko ng produksiyon nito.

“Dehado na nga sa mga benepis­yo, dehado pa rin pala ang ating HCWs sa kanilang protective equipment. Walang sinasanto ang kasakimang ito,” sabi ni Hontiveros sa ikasiyam ng pagdinig ng komite.

Sa naturang video, sinabi ng lalaki na isang warehouse staff na sinabihan siya ng Pharmally na palitan ang certificate ng face shield na may nakalagay na 2020 at gawing 2021.

Sabi ng empleyado, nagpatuloy ang ganoong gawain nang siya ay kunin noong Agosto hanggang Set­yembre ng taong ito.

“‘Yung mga nakalagay dun sa certificate niya, is production date po niya, is year 2020 pa. Then, ang pinapagawa sa amin is palitan po siya ng certificate na updated this year. Ang nag-utos sa amin na palitan ‘yun ay si Ma’am Krizle Grace Mago,” ayon sa empleyado. Si Mago ay incorporator ng Pharmally.

“Kahit po yupi-yupi ‘yung mga face shield, yupi-yupi na ‘yung mga boxes, kahit po may mga dumi, pinapa-repack pa rin po saamin nina ma’am… kahit naninilaw, kahit basa-basa na po, ‘yung iba po dun, nababasa gawa po ng tulo sa warehouse,” lahad pa nito.

Batay sa pahayag ng testigo, sinabi ni Hontiveros na si Mago ang frontline ng kahina-hinalang gawain ng Pharmally. Si Mago din ang nagsabing nag-deliver ang Pharmally ng dalawang milyong face mask bilang advance bago pa man nakatanggap ng request for quotation o RFQ.

“Hindi na nga nabibigyan sa tamang oras ang mga hazard pay ng health care workers, inilalagay pa pala sila sa panganib dahil sa substandard na health supplies,” sabi ni Hontiveros.

“It is criminal that we’re being supplied poor quality products that may have cost many of our frontliners’ lives,” dugtong pa nito.

Samantala, inamin ng isang opis­yal ng Pharmally na binago niya ang expiration date ng mga face shield na dinala nila sa DOH.

Sa ikasiyam na pagdinig ng blue ribbon committee, sinabi ni Krizle Grace Mago inutusan umano siya ni Pharmally corporate treasurer at secretary Mohit Dargani na baguhin ang expirate date ng mga face shield.

“The instructions came from our management po. I received instructions from the PPC management, particularly Mohit Dargani,” sabi ni Mago sa komite.

Sa panig naman ni Dargani, itinanggi nito ang alegasyon ni Mago. “Mago is used to receiving instructions from me, but in this case it was not the case,” sabi ni Dargani. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.