Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PH hindi n’yo miyembro! Duterte nagmatigas sa ICC

0 70

Walang mapapala ang International Criminal Court (ICC) kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isinampang reklamo laban sa kanya sa mga pagpatay sa war on drugs.

Ito ang pinanindigan ng Malacañang matapos hilingin ni ICC Pro­secutor Fatou Bensouda na bigyan siya ng judicial authorization na maimbestigahan ang war on drugs sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hinding-hindi makikipagtulungan si Pangulong Duterte sa ICC dahil hindi na mi­yembro ang Pilipinas sa ICC.

Binigyang-diin ni Roque na politically motivated ang nais ni Bensauda na maimbestigahan ang Pangulo dahil may plano itong pumalaot sa politika sa kanyang bansa sa Africa.

“The decision to move forward into a formal investigation state is legally erroneous, politically motivated. The ICC has no jurisdiction over the subject matter of crimes against humanity as alleged in her information against Presidente Rodrigo Duterte,” ani Roque.

Iginiit ng kalihim na gumagana ang justice system sa bansa at malaking insulto sa mga abogado at hukom sa Pilipinas na manghimasok ang isang dayuhan.

Hindi kailangan aniya ng Pilipinas na mag-imbestiga ang mga dayuhan sa drug war dahil gumagana ang sistemang ligal sa Pilipinas dahil mayroong mga piskal at mga hukumang naglilitis at nagparusa sa mga nagkakasala sa batas.

“Sinabi na po ng ating Presidente, hinding-hindi tayo magko-cooperate dahil hindi na tayo miyembro ng ICC. Because of complimentarity, I am confident that the pre-trial chamber will reject the request for investigation,” dagdag ni Roque.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng Palasyo na sasayangin lamang ang panahon at resources ng hukuman dahil kung hindi makikipagtulungan ang Pilipinas ay hindi makakabuo ng kaso ang ICC na ibinatay lamang sa ebidensiyang gawa-gawa lamang ng mga politiko at mga komunistang kalaban ni Pangulong Duterte.

“Sino ba ang naghain ng kasong ‘yan? Hindi ba ngayon gustong tumakbo ng presidente o bise presidente? Hindi ba politika ang dahilan kung bakit isinampa ang kasong ‘yan?” wika ni Roque. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.