Una sa Balita

PH eSports Teams, humakot ng datung sa Mobile Legends SEA Cup

By
0 125

IPINAMALAS ng mga Pilipinong koponan sa electronic sports o eSports ang kanilang husay sa pagwawagi sa titulo at pag-uwi ng kabuuang US$77,714 prize sa ginanap kamakailan na Mobile Legends Southeast Asia Cup.

Hindi napigilan ang Bren Esports at kapwa Pinoy squad na Digital Devils sa pagsungkit sa una at ikalawang puwesto upang bitbitin ang mga Pinoy sa pagbulsa ng kabuuang $77,714 (P4,136,327) sa nakatayang premyo sa ginanap na Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2018 sa Jakarta International Expo noong Hulyo 29, 2018.

Inangkin ng Bren Esports, na nakuha ang mobile gaming team Aether Main noong Hulyo 22, ang kabuuang $42,476 at dagdag na $8,000 (P2,686,585) sa panalo matapos talunin ang kapwa Pilipino na Digital Devils Professional Gaming sa finals ng MSC 2018.

Ang Team Digital Devils ay nakapag-uwi ng $27,238 (P1,449,742) bilang ikalawang puwesto.

Ikatlo at ikaapat naman ang mga Indonesian team na RRQ.O2, na Mobile Gaming division ng Rex Regnum Qeon’s (RRQ), na nagwagi ng $14,000 (P745,150) habang kasunod nito ang Aerowolf.Roxy na may $7,000 (P372,575).

Ang tatlong araw na kompetisyon ay isinagawa noong Hulyo 27 at natapos Hulyo 29.

Ang Mobile Legends: Bang Bang ay isang 5 kontra 5 na online mobile game sa multiplayer online battle arena (MOBA) na kategorya.

Ang Shanghai Moonton Technology ang nagdedebelop at namamahala sa laro.