Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pfizer pera-pera ang laban!DOH, FDA hindi pumapalag – Sotto

0 61

Nanggalaiti si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pahirap ng mga health official sa paggamit ng Ivermectin bilang COVID-19 treatment kumpara sa isang pharmaceutical company na bigay-todo ito.

Ayon kay Sotto, mas masama pa umano ang ginagawa ng Pfizer sa bansa dahil nais umano ng pharma company na mawalan ng pananagutan sakaling magkaroon ng masamang epekto ang kanilang bakuna.

“Ganon ang ginawa sa South America, dalawang bansa na ‘yong umayaw sa kanila (Pfizer) kasi sa atin ginagawa rin. Sabi, ang gusto magpasa ng batas na hindi sila mananagot ‘pag may masamang epekto ‘yong vaccine nila,” sambit ni Sotto sa DWIZ.

Kinuwestiyon ni Sotto ang Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) kung bakit hindi umano pinapalagan ang Pfizer sa mga kondisyon nito.

“Bakit hindi pumapalag ang FDA, DOH at mga doktor? Dito sa preventive measure na sa tingin ng karamihan nakakatulong, pumapalag sila?” tanong ng senador.

Isa ang Pfizer sa mga pharmaceutical company na humingi ng indemnification sa Pilipinas sakaling magkaroon ng masamang epekto ang kanilang bakuna.

Nag-alok ng P500M ang gobyerno ng Pilipinas bilang indemnification fund, na gagamitin para mabigyan ng kompensasyon ang mga indibiduwal na magkakaroon ng matinding side effect sa bakuna.

“Pera-pera ‘yan,” bintang pa ni Sotto, kung saan pinunto rin nito ang paghingi raw ng ‘bases’ ng Pfizer sa ilang bansa sa South America.

Ayon sa ilang report, humingi umano ang Pfizer sa gobyerno ng Argentina at Brazil ng mga sovereign asset, kasama ang military base at federal bank reserve, bilang collateral sakaling magkaroon ng legal battle. (Ray Mark Patriarca)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.