Una sa Balita

Petty cash, gas allowance ng NBI sinita ng COA

By
0 2,153

SINITA ng Commission on Audit (COA) ang National Bureau of Investigation (NBI) sa dobleng liquidation na nagresulta sa palpak na kuwenta sa kanilang mga petty cash advance at gas allowance na nagkakahalaga nang mahigit sa kalahating milyon.

Ayon sa annual audit report ng COA, natuklasan na ang petty cash fund na tapos nang ma-liquidate noong 2015 ay dalawang beses pang nai-record sa ledger ng NBI noong 2016.

“As of December 31, 2017, these errors understated the petty cash account and overstated the Accumulated Surplus/Deficit account by P537,106.35,” sabi sa report ng COA.

Sa report, tinukoy ng COA ang 13 custodian ng NBI na responsable sa nangyaring double liquidation na nagkakahalaga ng P16,920, P28,334.75, P30,000, P29,856.50, P78,746.45, P46,280, P35,939.20, P100,000, P34,856.40, P30,000, P49,993.50, P26,179.55, at P30,000.

Dahil dito, inirekomenda ng COA sa NBI na muling pag-aralan ang kanilang mga record at itama ang mga maling entry para matanggal ang mga negative ba­lance sa kanilang petty cash subsidiary ledger.

“Management commented and assured the audit team during the exit conference that they will conduct the necessary ‘training’ to fully acquaint the petty cash custodians with rules and regulations and proper procedures in the hand­ling of [the] petty cash fund,” giit pa ng COA.

Pinuna rin ng ahensiya ang mga reimbursement ng NBI mula sa mga biniling guest chair, office supply, mga gamit sa pagkukumpuni ng kanilang mga comfort room at iba pang mga kagamitan para sa ge­neral cleaning at pagsasaayos ng NBI Academy na nagkakahalaga ng P121,263.20 na kanilang siningil sa ilalim ng ‘othe­r professional services’.

Sinita rin ng COA ang NBI sa pagpapasahod nito nang mas mababa sa P4,000 sa mga tauhan ng ahensiya bunsod ng mga salary deduction na anila ay labag sa probis­yon ng General Appropriations Act of 2017.

Nabatid na 87 sa mga ito ay nakatalaga sa NBI central office sa Maynila habang 67 naman ang nakakalat sa kanilang mga field office. Mula sa dating 309 empleyado ng NBI na tumatanggap ng buwanang P4,000 suweldo, bumagsak ito sa 154 noong Enero ng taong ito.