Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Petisyon vs Marcos Jr butata sa Comelec

0 58

Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division ang mosyon na bawiin ang utos nitong pagpapalawig ng deadline na ibinigay kay dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sagutin ang petisyon na naglalayong kanselahin ang kanyang kandidatura sa pagka-pangulo.

Sa desisyon nitong ipinahayag noong Martes ngunit inilabas kahapon sa media, sinabi ng 2nd Division na ang Comelec ay “may awtoridad na suspendihin ang reglementary period na itinatadhana ng mga alituntunin sa interes ng hustisya at mabilis na pagresolba ng mga kaso.

“Under this authority, the Commission is similarly enabled to cope with all situations without concerning itself about procedural niceties that do not square with the need to do justice, in any case without further loss of time, provided that the right of the parties to a full day in court is not substantially impaired,” ayon sa desisyon.

Noong Nobyembre 18 ay pinagbigyan ng Comelec’s 2nd Division ang apela ni Marcos ng isa pang limang araw mula Nobyembre 17 para isumite ang kanyang tugon sa petisyon na naglalayong kanselahin ang kanyang certificate of candidacy.

Ang deadline sa pagsagot ng kampo ni Marcos sa petisyon na inihain noong Nobyembre 2 ay orihinal noong Nobyembre 16, gaya ng nakasaad sa ipinalabas na patawag ng Comelec.

Gayunpaman, ang mga petitioner, ay binanggit ang Section 4 (6) ng Rule 23 ng Come¬lec Rules of Procedure, na inamiyendahan ng Comelec Resolution No. 9523, na walang basehan para sa anumang extension ng oras para sa paghahain ng sagot.

Ang nasabing seksiyon ay nagsasaad na: “Sa interes ng hustisya at upang makakuha ng mabilis na disposisyon ng lahat ng mga bagay na nakabinbin sa komisyon, ang mga tuntuning ito o anumang bahagi nito ay maaaring suspendihin ng Komisyon.” (Mina Navarro)

Leave A Reply

Your email address will not be published.