Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Petecio namumuro sa Olympic gold

0 153

SINIGURO ni Nesthy Petecio na iuuwi ng Pilipinas ang isang ginto at pilak na medalya Sabado ng tanghali matapos nito patalsikin ang nakasagupa na si Irma Testa ng Italy sa semifinals ng women’s featherweight (54-57kgs) sa boxing competition ng 2020 Tokyo Olympics na ginaganap sa Kokugikan Arena.

Bumalikwas ang 29-anyos mula Davao City na si Petecio sa unang round na pagkakaiwan kung saan nakumbinsi ng Italyana ang limang hurado tungo sa pagkolekta sa huling dalawang round upang maitala nito ang split decision na panalo sa iskor na 4-1.

Nagtabla ang sagupaan matapos maipantay ni Petecio ang laban sa tig-isang round sa 50-45 iskor bago inangkin ng 2019 AIBA World Championships gold medalist ang panalo matapos na apat na hurado ang pumabor dito habang isa naman kay Testa sa ikatlo at huling round.

Malulutong na nakapagpatama si Petecio sa katawan ng kanyang matangkad na kalaban na si Testa bago lumipat sa matutulis na patama sa mukha para angkinin ang kanyang silya sa kampeonato at pagtatala sa sariling kasaysayan sa bansa sa larangan ng boxing.

“Sinunod ko lang po muna iyung game plan ng mga coaches ko kung effective ba. Kaso po nakukuha niya ako so nag-change plan po kami,” sabi ni Petecio, habang kasama nito ang mga coaches na sina Don Abnett at Nolito Velasco, na nakakatandang kapatid nina Mansueto “Onyol” Velasco at Roel Velasco.

Matatandang huling nagawang maitala ni Mansueto “Onyok” Velasco na maiuwi ang pilak na medalya sa boxing noong 1996 Atlanta Olympics.

May pagkakataon pa si Petecio na maiuwi ang posibleng ikalawang gintong medalya ng Pilipinas matapos ang 97-taon na pagkauhaw sa pagsagupa nito sa kampenato sa Agosto 3 para mapantayan ang gold medal ni weightlifter Hidilyn Diaz niting Lunes.

Nagawa ni Petecio tumuntong sa semifinals noong Miyerkoles sa pagtala ng 5-0 panalo sa dating tumalo dito na si Yeni Marcela Arias Castaneda ng Columbia. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.