Una sa Balita

Pera na, naging ‘bato’ pa

0 86

Naunsyami ang ibinibidang bonggang bonus o cash gift na nagkakahalaga ng P50K hanggang P400K na magsisilbi sanang pamaskong handog para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na nakausap nito si PNP Director General Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa at sinabing walang dumating na pondo para sa cash gift at malabo na itong maipamigay ngayong Kapaskuhan.

“I clarified it to him this morning and he said apparently it has not been released and may not be…may not be…I talked to General Bato. I clarified with General Bato,” pahayag ni Abella sa isang press briefing sa Malakanyang kahapon.

Matatandaan na personal na inanunsyo ni PNP Chief Dela Rosa na makakatanggap ang mga top officials ng PNP ng halagang P50,000 hanggang P400,000 bilang Christmas bonus mula kay Pangulong Duterte bunsod ng matagumpay na giyera kontra iligal na droga na inilunsad ng kasalukuyang administrasyon.

“Kunin n’yo pamasko n’yo ranging from P400,000 at pinakamababa P100,000 sa mga star-rank officers. Pinakamababa sa mga hindi star-rank mga P50,000. Okay na sa inyo ‘yon?” pagbibida ni Dela Rosa sa PNP officials sa isang okasyon nitong Lunes, Disyembre 19, ngayong taon.

“Pera na naging…bato pa!” Ito naman ang gina­wang pang-aalaska ni dating Presidential Spokesperson Usec. Abigail Valte.

Sa kanyang tweet, nagpasaring din ang tagapagsalita ni dating Pangulong Benigno Aquino III na maaaring “clever misdirection” ang pahayag ng Palasyo at ng PNP chief.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy