Una sa Balita

Pepsi-Cola pinagmulta ng ₱11.8M sa iligal na poso

By
0 624

PINATAWAN ng P11.8 milyong multa ng National Water Resources Board (NWRB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang soft drinks manufacturer na Pepsi-Cola Products Philippines Inc. (PCPPI) dahil sa pag-o-operate ng anim na deep well nang walang kaukulang permit.

Sinabi ni Atty. Archie Asuncion, hepe ng Litigation and Adjudication Unit ng NWRB, na ang parusa na kanilang ipinataw ay base sa P1,000 na multa kada araw mula nang gamitin ng Pepsi-Cola ang mga deep well mula Enero 10, 2013 hanggang Hunyo 11, 2018.

Sa ngayon ay ikinandado na ng NWRB sa tulong ng mga DENR enfor­cer at Philippine National Police (PNP) ang illegal deep well ng Pepsi-Cola.

Hunyo 11 nang salakayin ng mga awtoridad ang soft drinks plant sa Muntinlupa City upang ipatupad ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Pepsi-Cola Products Philippines Inc. vs. National Water Resources Board kung saan nanalo ang NWRB.

Ayon sa NWRB, na siyang nagmo-monitor at nagre-regulate ng paggamit ng lahat ng water resources, na malaki ang pangangailangan na maihinto ang operasyon ng mga deep well upang maiwasan ang pagkawala ng groundwater resources sa bansa.

Iginiit din ng ahensiya na batay sa kanilang ginawang pag-aaral noong 2004 ay kritikal na ang groundwater sa Muntinlupa at ang paghigop ng tubig gamit ang submersible pumps ay nagdudulot na ng paghupa ng lupa.