Una sa Balita

People’s Plan

By
0 275

Ilang beses na po ba tayong nakarinig ng reklamo tungkol sa mga housing program ng gobyerno mula sa mga pamilyang na-relocate sa ibang lugar?

Dapat ay maging masaya na sila dahil sa wakas ay may sarili na silang bahay. Pero hindi ganito ang nangyari. Hindi sila maubusan ng reklamo.

Karamihan kasi ay mga off-city relocation. Sadyang malayo at wala silang mapagkakitaan. Kung mamalasin pa, mababa po ang kalidad ng istraktura. Yung may nalipatan ka nga pero parang wala rin dahil nandiyang tumutulo ang bubong, bitak-bitak ang dingding at semento at kung ano-ano pang pampasakit ng ulo at kalooban.

Bakit nga ba nagkaganito? Marahil ang pinakaugat ng problema ay ang kawalan ng konsultasyon sa pagitan ng mga benepisyaryo at ng ahensya ng gobyernong nangangasiwa sa mga housing program.

Mabuti na lang po at iba na ang sistema ngayon. Kinikilala na kasi ang kahalagahan ng partisipasyon ng publiko sa housing sector.

Ito po ang tinatawag na People’s Plan. Isa po itong plano na nabuo sa pagitan ng mga benepisyaryo o samahan ng mga informal settler na nakatakdang i-relocate sa ibang lugar at mga ahensya ng pamahalaan na namamahala sa mga programang pabahay.

Mayroon po itong site development plan at non-physical development component tulad ng cooperative housing, livelihood, self-help development at mga capability-building program.

Sa katunayan, marami na pong mga informal settler community ang nakikinabang sa benepisyong dala ng People’s Plan.

Kahit ang Socialized Housing Finance Corporation (SHFC) ay panatag at wala ring kaba sa pag-apruba sa mga loan ng mga ISF community nang mag-submit sila ng kanilang People’s Plan sa ilalim ng kanilang High-density Housing (HDH) project.

Ang ilan sa mga proyektong nasa ilalim ng HDH project ay ang in-city housing project ng Alyansa ng Mamamayan ng Valenzuela (AMVACA) at ang relocation housing site ng Aniban ng Lehitimong naninirahan ng Ligtas sa Sakuna (ALPAS) Homeowner’s Association, Inc. sa San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Pinayagan sila ng mga homeowner association na tumanggap ng loan mula sa SHFC, maghanap ng housing site, kumuha ng kanilang contractor, tumukoy sa mga benepisyaryo, tingnan ang konstruksyon at makipagkasundo para sa bayaran sa SHFC. Sa pamamagitan nito, natuturuan pa ang mga benepisyaryo na maging responsable at mulat sa proseso ng pagdevelop sa kanilang housing site.

Nakatutuwa po dahil kahit ang Natio­nal Housing Authority (NHA) ay niyayakap na ang kahalagahan ng People’s Plan.

Alam niyo ba na ang Manggahan Residences ng NHA sa Brgy. Sta. Lucia sa Pasig City ay produkto ng People’s Plan ng Alliance of People’s Organizations Along Manggahan Floodway (APOAMF)? Sila po ang mga informal settler sa Eastbank Road sa kahabaan ng Manggahan Floodway.

Ang Manggahan Re­sidences po ay low-rise building na binubuo ng 17 gusali na 5-storey lahat.

Hindi po sila inilayo at nasadlak sa malalayong lugar dahil may nakahanda na pong paglilipatan ang city government ng Pasig nang paalisin sila sa Manggahan Floodway.

Kung nagawa po ito ng pamahalaang-lungsod ng Pasig, baka puwedeng sumunod na rin po ang iba? Maki-join na po kayo sa People’s Plan para ­everybody happy ika nga!