Una sa Balita

PENITENSYA SA KURYENTE

By ,
0 2

Dobladong kalbaryo ang sumalubong sa sambayanan kahapon sa unang araw ng Semana Santa matapos ianunsyo ang dagdag na singil at ang manipis na reserba ng kuryente.

Sa abiso kahapon, Lunes Santo, ng Manila Electric Company (Meralco), nabatid na magdadag­dag sila ng singil na 23¢ kada kilowatt hour (kWh) ngayong buwan ng Abril.

Nakapaloob na umano rito ang naunang 22¢ kada kWh power rate increase na inaprubahan ng Department of Energy (DOE) para sa Malampaya shutdown noong Enero at Pebrero.

Para sa mas klarong ideya ng milyong konsumer ng Meralco, ang dagdag singil na ito ay may katumbas na plus P46 para sa mga kumukonsumo ng 200kWh kada buwan; dagdag na P69 naman sa mga kumukonsumo ng 300kWh; plus P92 kung ang konsumo ay 400kWh; at P115 naman sa mga kumukonsumo ng 500kWh.

Samantala, pinayuhan naman ng DOE ang mga taga-Luzon na magtipid ng konsumo ng kuryente ngayong summer dahil sa manipis na reserbang kuryente.

Ito’y matapos magdeklara kahapon ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na inilagay sa red alert ang Luzon Grid bunsod ng manipis na reserbang kuryente sa ancillary services (AS).

Ayon sa DOE, ang red alert ay epektibo kahapon ng ala-una hanggang alas-tres ng hapon.

Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni DOE spokesman Felix Fuente­bella na nakaapekto rin ang earthquake swarm na umuga sa Batangas at mga katabing lalawigan at Metro Manila noong Sabado sa pagnipis ng reserba.

“Nawalan tayo ng 2,584 megawatt hours of power supply capacity, kung saan 1,647 megawatt hours ang nawala dahil sa mga paglilindol,” saad ni Fuentebella.

Kabilang sa mga planta na apektado ng “earthquake swarm” nitong Sabado ng hapon ay ang Avion Unit 2, San Gabriel at San Lorenzo units 1 and 2.