Una sa Balita

Peñalosa may bagong misyon

0 340

Pagkatapos magbigay ng maraming­ karangalan sa bansa sa lampas dala­wang dekada bilang world champion boxer, isang misyon naman ang pinagkakaabalahan ngayon ni Geronimo ‘Gerry’ Peñalosa.

Katuwang ang TV5, naghahanap ngayon ang two-time world champion ng mga susunod sa kanyang yapak maging kay eight-division champion at kasalukuyang WBA welterweight kingpin Manny ‘Pacman’ Pacquiao.

Isa na ngayong promoter ang 46-anyos na dating WBC super flyweight at WBO bantamweight titlist at kasama ang TV5 ay binuo nila ang “Ultimate Boxing Series: Kamaong Pinoy”.

Isa itong serye ng boksing kung saan 20 boksingero (flyweight at bantamweight) mula sa lampas 80 nagbakasakaling makasali ang mag-uupakan simula Mayo 23 at magtatapos sa Hulyo 11.

Mapapanood ang mga aksiyon sa TV5 weekly simula June 2 habang telecast live naman ang finals malamang sa Agosto 25 na magiging undercard sa IBO flyweight championship match sa pagitan nina Carlo Peñalosa at Maximino Flores mula Mehiko.

Maganda itong proyekto ni Peñalosa at ng TV5.

Maraming magagaling na boksingero sa iba’t ibang panig ng bansa ang naghihintay lamang ng magandang exposure para maipakita ang kanilang mga talento.

Isang pagbabalik o pasasalamat na rin ito ni Peñalosa sa larangan ng boksing dahil maraming magagandang bagay ang naibigay nito sa kanya at sa kanyang pamilya.

Katulad ni Pacquiao, hindi pa man tuluyang nagreretiro ay kaliwa’t kanan na ang ginagawang pagtulong sa mga kapwa boksingero at sa lahat ng taong kanyang nakakasalamuha, kaya naman lalo silang pinagpapala.
Mabuhay ka po Gerry Peñalosa!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy