Una sa Balita

Pekeng pulis nalambat sa checkpoint

By
0 1,455

Kasong usurpation of authority, illegal use of police uniform and insignia, paglabag sa illegal possession of bladed weapons at Omnibus Election Code ang isinampa ng pulisya laban sa isang tricycle driver na nagpanggap na pulis matapos masita sa isang checkpoint sa kahabaan ng NAIA road, Pasay City kamakalawa ng gabi.

Nakasuot pa ng unipormeng pulis at lulan ng kanyang motorsiko nang masita ang tricycle driver na si Felix Varona 41-anyos at naninirahan sa no. 310 Ugbo St. Tondo Manila.

Base sa isinagawang report ni P03 Robinson Alsol ng Station Investigation and Detective Ma­nagement Branch (SIDMB) ng Pasay City Police dakong alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng NAIA road corner Chapel road, Barangay 194 ng nasabing lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyan nagsasagawa ng check point ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-9 ng Pasay City Police sa nasabing lugar nang mamataan nina PO1 Armando Antonio at PO1 Patrick Arandia si Verona na lulan ng motorsiklo at walang suot na helmet.

Pinara umano nila ang suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis na may badge na PO1 at nagpakita ng kanyang identification card (ID).

Nang beripikahin ng mga awtoridad ang ID nito, nalaman na peke ang PNP ID hanggang sa kinapkapan ito na kung saan nakuhanan ng isang patalim sa kanyang bulsa.

Agad naman dinala sa tanggapan ng SIDMB si Verona upang isailalim sa masusing imbestigasyon at sasampahan ng mga kaso.

Pahayag naman ni Verona na gusto niya ma­ging pulis ngunit aniya hindi siya pinalad.

“Gustong – gusto ko pong maging pulis, gusto kong maglingkod sa bayan, pero minalas po ako kaya kahit man lang sa pangarap ay makasuot po ako ng unipormeng pulis” ani ni Verona.

Sinabi pa ni Verona ibinili niya ang kanyang uniporme sa Camp Crame at maging ang mga badge nito.