Una sa Balita

Pekeng ‘likes’ sa Facebook ng Cambodian PM, galing sa ‘Pinas

By
0 1,569

Isang dating opposition leader sa Cambodia ang naghain ng petisyon laban sa Facebook nitong Huwebes upang isiwalat kung totoo ang nakukuhang ‘likes’ sa account ni Prime Minister Hun Sen na karamihan ay galing umano sa Pilipinas.

Sa mosyon na inihain sa US District Court ng San Francisco, inoobliga ang Facebook na ilabas ang impormasyon tungkol sa long-time ruler ng Cambodia at kung totoong bumibili ito ng milyong ‘likes’ sa kanyang account sa pamamagitan ng tinatawag na ‘click farms’.

Hiniling din ni Sam Rainsy, dating opposition leader ng Cambodia na naka-exile, na isiwalat ang mga death threat sa mga kritiko ng administrasyon na isang labag sa polisiya ng Facebook.

Nanilbihan si Hun Sen sa loob ng 33 taon sa Cambodia at walang makakalaban sa halalan ngayong taon matapos na ipabuwag ang pinakamalaking opposition party, ang Cambodia National Rescue Party, noong Nobyembre 2017.

Ginagamit niya ang Facebook upang palabasin ang nagugustuhan ng mamamayan ng Cambodia ang lahat ng kanyang ginagawa.

Ngunit sa isinagawang analysis ng social media firm Socialbreakers noong 2016, natunton na karamihan sa likes ni Hun Sen ay galing sa India at Pilipinas.

“In the last few years, the Facebook platform has been misused and manipulated by Cambodia’s autocratic dictator, intent on maintaining power at all costs,”ayon kay Richard Rogers, abugado ni Rainsy. (AFP)