Una sa Balita

Pekeng baril, PNP badge at uniporme nakumpiska sa Cavite

By
0 21

Pekeng baril, PNP badge at pang itaas na uniporme ng Philippine Air Force (PAF) ang ilan lamang sa nakumpiskang ebidensya sa loob ng bahay ng isang lalaki na sinilbihan ng search warrant ng Dasmariñas Component Police Station pasado alas-sais ng umaga kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Mowel Dicampong, residente ng Blk 1, Interfashion, Brgy. H2, Dasmariñas City Cavite, na umano’y nag-iingat ng mga armas at bala batay sa intelligence report na nakalap ng mga awtoridad.

Nakumpiska sa bahay nito ang tig-isang caliber 22 improvised rifle at replica ng 9mm Beretta, bukod pa sa 20 piraso ng bala para sa caliber 5.56, 23 ammo ng 9mm, 12 ammo ng cal. 22, 1 PNP Badge, 2 slingbag na pang handgun at 1 upper garment ng PAF.

Inaresto ang suspek at kasalukuyang nasa custodial facility ng Dasmariñas CPS habang ­inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.