Una sa Balita

Peke na, bitin pa! P55M ‘kaldero’ ‘di sulit

0 1,018

MARAMI ang pumuri sa 2019 Southeast Asian Games opening ceremony na ginanap sa Philippine Arena, ngunit taliwas naman ang kaganapan sa New Clark City kung saan sisindihan ang stadium cauldron o kaldero.

May ilang pumuntang supporter at mga reporter at dumayo pa sa bagong tayong stadium, ngunit nadismaya nang maabutan na naka-lockdown pala ang venue.

Sa report ng Spin.ph, sinabi na ni-record ang ceremonial lighting ng stadium cauldron ilang araw bago ang opening rites sa Philippine Arena.

Matatandaan na kumalat sa social media na nagkaroon ng fireworks display sa NCC bago pa ang opening ceremony, at nagkaroon pa ng dry run si Pambansang Kamao Manny Pacquiao para sa pagsindi sa kaldero, kung saan kasama nito sa pinalabas sa telecast at sa PH Arena ang world title holder sa boksing na si Nesthy Petecio.

Naging isyu rin ang ginastang P55-million para sa nasabing cauldron, na tinawag sa social media na ‘kalderong ginto’ dahil sa tinuran ni Senate minority leader Franklin Drilon na higanteng kaldero umano ang nasabing cauldron.

Tingin ng madla ay sobra ang ginasta ng gobyerno para dito, at hindi nagbago ang paningin nila matapos nang masindihan ang cauldron.

“P55M na nga, hindi pa rin nasindihan? Soli bayad!!!” ayon sa abogadong si Jay Batongbacal.

“YUN LANG TALAGA YUNG SILBI NG P55-M #GoldenKaldero?! T*NGNA NAMAN!!! HINDI BA KAYO NAIINSULTO?!” giit naman ng Inquirer reporter na si Marlon Ramos.
“Wala pa atang 20 seconds ung exposure ng #kaldero …bye 50M,” obserbasyon naman ng broadcast journalist na si Fritzie Cabial.

Depensa naman kay Phisgoc spokesperson Jarie Osias, wala namang sinabi ang ASEAN Federation na bawal ang pag-record ng pagsindi sa cauldron.

Sa ulat naman ng politics.com.ph, kinumpirma ng special assistant ni Senador Manny Pacquiao na ni-record ang video ng pagsisindi ng senador sa cauldron.

“Sa laki ng involvement ni Sen MP (Manny Pacquiao) sa pagsindi ng cauldron eh minabuti na nila e shoot ng maaga as contingency plan kung sakaling pumasok na ang bagyo sa Pinas at ulanin opening,” ayon sa text message ni Jake Joson.

“Buti na lang natapos nila on time at maganda kinalabasan,” dagdag pa niya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More