Pedopilyang Kano sa Cebu nagbigti sa selda

By

Pinaniniwalaang sa sobrang kahihiyan, winakasan na lamang ng isang Amerikano ang kanyang buhay sa loob ng kanyang selda matapos dakpin sa umano’y pagiging pedopilya sa Cebu.

Base sa report, inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Jessie Goldenfenni alyas ‘Jamie Patterson’, ‘JP’ o ‘Daddy’, tubong Massachusetts, USA, dahil sa pagtangay sa mga bata at paggawa ng mga malaswang gawain. 

Dinakip si Goldenfenni matapos makabiktima ng limang kabataan na sinasabing pinahuhubad nito at nilalaro ang maseselang bahagi ng katawan habang inirerekord sa video.

Napag-alaman kay NBI Regional Director Patricio Bernales na kinakaibigan ng suspek ang natitipuhan nitong kabataan, kinukumbinsing sumakay sa kotse kapalit ang manika at stuffed toy at dinadala sa kanyang bahay sa isang subdivision sa Talisay City, Cebu. Doon umano nito isasagawa ang kalaswaan habang nire-record.

Dahil sa sumbong, agad nagsagawa ng operasyon ang NBI at naaresto ang suspek noong Lunes pero habang nakakulong ay nagbigti gamit ang sinturon kamakalawa.

Sa imbestgasyon, palipat-lipat ng bansa gaya ng Vietnam at Nicaragua ang suspek at doon din kumukuha ng mga bibiktimahin. 

SHARE