Una sa Balita

PDTC na-hack, mga stock record dinoktor Kaha de yero ng mga broker, bangko nasindikato

0 474

SINISILIP ngayon ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cyber Crime Group ang anggulo na hacking sa Philippine Depository and Trust Corp., ang dahilan umano kaya nanakawan ng mahigit P700 milyon ang stock brokerage na R&L Investments Inc.

Ayon kay Kathleen Mary L. Siy ng KL Siy & Associates na siyang nag-audit ng libro ng R&L, nadoktor ang mga record ng kompanya mula sa PDTC na siyang nangangalaga ng mga share of stock ng mga stock broker. Ang PDTC ang nagsisilbing kaha de yero ng mga bangkero at mga stock broker.

Binigyan ng R&L Investments ng mga dokumento ang KL Siy & Associates tungkol sa mga hawak nitong stock na dino-double check naman nito sa PDTC. Ang report tungkol sa mga hawak na stock ay dina-download diretso sa website ng PDTC bilang isang pdf file.

“I want to know how you can tamper with that pdf file,” sabi ni Siy.

Sa report tungkol sa mga hawak na stock ng R&L na pinangangala­gaan ng PDTC, nasa P765.94 milyon ang halaga nito noong katapusan ng 2018, mas mababa na kaysa sa P852.8 milyon na halaga ng shares of stock na hawak nito nu’ng 2017.

Ayon sa mga ulat, ang ninakaw ang mga stock mula sa R&L Investments at ipinuslit sa isa pang stock brokerage, ang Venture Securities Base sa annual financial report ng Venture Securities, nasa P6.86 bilyon ang halaga ng mga stock nito na nakalagak sa PDTC nu’ng 2018, mas mababa kaysa sa P7.7 bilyon na nakalagay doon nu’ng 2017.

Ayon sa finance crime unit ng PNP Anti-Cyber Crime Group, maaring lima pang mga stock broker ang apektado ng hacking. Paniwala nito, nadiskubre ng grupong nagnakaw sa R&L ang butas sa sistema ng PDTC at pinagsamantalahan nila ito.

Dalawang linggo bago inako ni Marlon Moron ang pagnanakaw sa R&L Investments, sinibak ang kanyang asawa sa pinagtatrabahuhan nitong stock brokerage na hindi na nag-ingay sa pangyayari, sabi ng finance crime unit ng PNP Anti-Cyber Crime Group.

Naniniwala din ang PNP na hindi lang si Moron ang sangkot sa stock theft dahil marami pang indibidwal ang pinaniniwalaang may kinalaman sa pasikot-sikot sa kalakaran ng mga stock brokerage. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy