Una sa Balita

PDP-Laban at HNP: Kaagapay ng Pangulo tungo sa pagbabago

By
0 215

Nitong nakaraang linggo ay dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unang anibersaryo ng PDP-Laban Cares at PDP-Laban Leaders Reunion. Dumalo rin si Pangulong Duterte sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) ­National Convention.

Ang PDP-Laban ay ang partido ng ating Pangulo nang tumakbo siya noong 2016, at ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) naman ay ang partidong binuo ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa dami ng mga partidong politikal sa ating bansa, lumalabas ngayon na dalawa sa mga malalakas ang PDP-Laban at HNP. Ang dalawang partidong ito ay parehong sumusuporta sa administrasyong Duterte.

Bago mahalal sa pagkapangulo, noong siya’y punong lungsod pa ng Davao City, bumuo rin ng lokal na partido si Pangulong Duterte. Itinayo niya ang partidong Hugpong sa Tawong Lungsod. Noong 2016, dahil kinailangan niya ng pambansang partidong politikal upang makatakbo bilang pangulo, kumandidato si Mayor Digong sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan, o mas kilala bilang PDP-Laban.

Sa kasalukuyan, si dating Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang presidente ng PDP-Laban. Ang PDP ay binuo ng kanyang ama, ang dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel, Jr.. Ang Lakas ng Bayan ay ang partido ni dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr.

Nang magsanib ang dalawang partido noong 1986, ang biyudang maybahay ni Ninoy Aquino na si Cory ang tumayong kandidato ng partido sa pagkapangulo.

Ang layunin ng HNP ay pagkaisahin ang mga puwersang sumusuporta sa administrasyong Duterte hanggang 2022. Binuo ni Mayor Sara ang HNP bilang regional party, ngunit hindi maitatanggi ang dami ng suportang nakalap nito sa ibang mga partido.

Sa katunayan, sa pagpupulong ng HNP sa SMX Convention Center sa Lanang, Davao City, na dinaluhan ko rin, saksi ako sa dami ng mga pumunta. Mahigit anim na libong bagong mi­yembro ang nanumpa, doble sa tatlong ­libong inaasahan.

Bukod sa mga bagong miyembro, ngayong buwan ay pumasok sa kasunduan ang HNP sa ilang malalaking pambansa at lokal na partidong politikal. Kasama na rito and Nacionalista Party (NP), ang Natio­nalist People’s Coalition (NPC) at iba pa.

Kabilang sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Pampanga Gov. Lilia Pineda at Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa mga prominenteng personalidad na lumagda ng kasunduan na nakikipag-alyansa sila sa HNP.

Hangad ng PDP-Laban at HNP na makamit ang layunin ng administrasyong Duterte na mapalaya ang mga Filipino sa kahirapan, krimen, iligal na droga, at korapsiyon sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng katarungan, pagkakapantay-pantay, at mabuting pamamahala.

Inaasahan natin ang dalawang partidong ito na magiging instrumento ng tunay at makubuluhan pagbabago sa ating lipunan.